|
||||||||
|
||
Pagbaba ng growth rate sa Asia, inaasahan
IPINALIWANAG ni Stephen P. Groff, Vice President ng Asian Development Bank na sa kanilang inilabas na Asian Development Outlook 2013 Update, umaasa silang ang pinagsanib na gross domestic product growth para sa umuunlad na Asia ay bababa mula sa 6.1% noong 2012 at matatamo ang 6.0% ngayong 2013.
Sa kanyang talumpati sa 39th Philippine Business Conference ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, sinabi ni Ginoong Groff, na nahaharap ang rehiyon sa external at internal challenges.
Samantalang patapos na ang pandaigdigang economic crisis, hindi pa nadarama ang pagbabago sa mga mauunlad ng ekonomiya ng America at Europa upang makapamili sila ng mga paninda mula sa Asia. Sa loob ng rehiyon, apektado ang economic outlook para sa umuunlad na rehiyon ng mga nagaganap sa India at Tsina.
Unti-unting nakikilala ang rehiyon sa transition patungo sa economic growth sa pagkakaroon ng domestic at regional demand. Wala umanong basehan ang pangambang mauulit ang 1997 financial crisis.
Kahit pa humina ang economic outlook para sa rehiyon, ang outlook para sa Pilipinas ay gumanda sa pagkakaroon ng 2013 GDP growth forecast mula sa 6% sa unang bahagi ng taon at ginawa ng 7%. Ani G. Groff, Pilipinas lamang ang nagkaroon ng ganitong kalagayan.
Isa ang Pilipinas sa mayroong pinakamabilis na economic expansion sa daigdig. Nagkaroon ng moderate inflation, fiscal consolidation, pagbabawas ng utang ng pamahalaan at ang current account surplus. Bumababa na rin ang external debt ng Pilipinas at ang international reserves ay higit pa sa 12 buwan ng import at total external debt ng bansa.
Bukod sa mga palatuntunang isaayos ang ekonomiya, nakita rin ang katapatan ng pamahalaang magkaroon ng maasahang economic fundamentals. Gumanda rin ang tingin ng daigdig at mga ahensya sa indices ng corruption perceptions, competitiveness, institutional quality, at political stability. Tumutugon din ang private sector sa mga pangyayaring ito.
Prayoridad ng pamahalaang maibsan ang kahirapan. Layuning mai-angat ang katayuan ng mga mahihirap. Kabalikat ang Asian Development Bank sa conditional cash transfer.
Mahalaga rin ang papel ng pribadong sektor, dagdag pa ni G. Groff. Binanggit din niya ang paglago ng hanapbuhay sa nakalipas na tatlong taon ay hindi sapat sa pagpasok ng mga bagong manggagawa. Kailangang magkaroon ng dagdag na hanapbuhay upang matanggap ang higit sa 10 milyong walang hanapbuhay o kapos ang kinikita sa trabaho.
Sa nakalipas na tatlong dekada, naging mas mababa ang productivity ng mga manggagawang Pilipino kung ihahambing sa mga manggagawang Tsino, Indones o Thai. Mahalagang mai-angat ang labor productivity upang gumanda ang standard of living ng mga mamamayan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |