|
||||||||
|
||
Mensahe ng mga obispo kay Napoles: Ibunyag mo nang lahat
MAY simpleng mensahe ang mga obispo kay Janet Lim Napoles, ang negosyanteng sinasabing nasa likod ng kontrobersyal na pork barrel scam sa kanyang pagharap sa Senado sa darating na Huwebes, ika-pito ng Nobyembre.
Ayon kay dating CBCP President at Jaro (Iloilo) Archbishop Angel Lagdameo, nararapat gamitin ni Napoles ang pagkakataon upang sagutin ang lahat ng batikos laban sa kanya.
Akusado si Napoles ng pakikipagsabwatan sa ilang mga mambabatas at iba pang opisyal ng pamahalaan sa maling paggamit ng salapi ng bayan.
Nararapat lamang siyang dumalo sa pagdinig ay ilabas na niya ang kanyang pahayag upang mabatid kung sino ang nararapat managot.
Ayon kina Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, Arturo Bastes ng Sorsogon at Jose Oliveros ng Malolos mas magandang ibunyag na ni Napoles ang lahat ng politikong nakinabang sa iskema.
Ayon kay Bishop Oliveros, nararapat lamang harapin ni Ginang Napoles ang lahat ng akusasyon at sabihin na niya ang katotohanan, pangalanan na niya ang mga nasangkot.
Marapat lamang mabatid ng taongbayan kung saan napunta ang kanilang salapi, dagdag pa ni Bishop Oliveros.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |