|
||||||||
|
||
Arsobispo Villegas, nanawagan sa mga mananampalataya: Maging mapagbantay
HINILING ni Arsobispo Socrates B. Villegas, Arsobispo ng Lingayen-Dagupan at Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mananampalataya na tiyaking buhay at matipuno ang Simbahan sa kanilang mga komunidad at maging mapagbantay kung may senyal ng panghihina.
Sa kanyang mensahe noong Martes ng hatinggabi sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, sinabi niya na matipuno ang pananampalataya sa bawat komunidad kung maraming nagdarasal ng Santo Rosaryo sa kanilang mga tahanan at kung maraming mga katekista kaysa sa mga lektor at lay minister o kung mayroong mga seminarista sa kanilang pook.
Kung walang nagdarasal ng rosaryo sa mga tahanan, maituturing na may karamdaman ang komunidad sapagkat walang pamilyang nagdarasal. Kung walang seminarista sa pook, hindi maituturing na malusog ang pananampalataya sa kapaligiran.
Hinamon niya ang mga mamamayan na tiyaking mayroong ganitong senyales sa kanilang mga barangay sa susunod na taon.
Sa kanyang homiliya, sinabi niyang sa dalawang bilyong mga Kristiyano sa daigdig, may mga hindi nagdiriwang ng Pasko o 'di nakadarama ng Kapaskuhan sapagkat nagbago ang kanilang mga pananaw at paniniwala.
Ang kahulugan ng Pasko'y hindi ang pag-alis ng Diyos sa mga tao kungdi ang pagiging malapit ng Diyos at ang pagiging malapit ng Diyos sa tao.
Idinagdag pa niya na mula sa kalangitan ay bumaba ang Diyos. Ito umano ang misteryo ng Pasko na siyang nagbalik ng ating pagtitiwala.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |