|
||||||||
|
||
melo20140206.m4a
|
SENADO, SUPORTADO ANG BANGSAMORO TRANSITION COMMISSION. Dumalaw ang mga kasapi sa Bangsamoro Transition Commission sa pamumuno ni Chairman Mohager Iqbal (pangalawa mula sa kanan) at nakipag-usap kay Senate President Franklin M. Drilon (pangalawa mula sa kaliwa). Sumaksi sa mga pag-uusap sina Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles (dulong kaliwa) at Senador Teofisto Guingona III (dulong kanan). Sinabi ni Senate President Drilon na ang panukalang Bangsamoro Basic Law ay nararapat ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas. (Office of the Senate President Photo)
SINABI ni Senate President Franklin M. Drilon na suportado nila ang Bangsamoro Transition Commission na pinamumunuan ni Chairman Mohager Iqbal, tulad rin ng suporta ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Senador Drilon na mahalaga ang pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao. Pinag-aralan umano nila ang timetable sa pagbuo ng unang buradol ng Bangsamoro Basic Law sa ika-31 ng Marso. Pag-aaralan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process at sa Senado ang buradol at hihintayin ang panukalang mula sa administrasyon Aquino.
Umaasa sila na mapapagusapan ang administration bill sa unang linggo ng Mayo. Nagkausap na umano ang Senado at Mababang Kapulungan, mula sa mga pinuno at mga minority leaders at nagkaisa sa pagniniwala na ang pagpapatupad ng Bangsamoro Basic Law ay nararapat matapos bago magwakas ang 2014.
SENATE PRESIDENT DRILON, HUMARAP SA BANGSAMORO TRANSITION COMMISSION. Makikita sa larawan si Senate President Drilon samantalang nagmamadaling patungo sa silid na kinaroroonan ng grupo ni Chairman Mohager Iqbal kaninang bago nagtanghaling-tapat sa Senado ng Pilipinas. (Melo M. Acuna)
Nais nilang maisumite sa mga naninirahan sa mga pook na mapapasailalim sa Bangsamoro Basic Law sa taong 2015. Idinagdag ni Senate President Drilon na hindi nararapat lumampas sa apat na sulok ng Saligang Batas ng Pilipinas upang magpatuloy na ang kapayapaan sa bansa. Ito umano ang pangako ni Pangulong Aquino sa madla na hindi magkakaroon ng mga bahagi ng batas na tataliwas sa Saligang Batas.
Ito umano ang dahilan kaya't hindi nagtagumpay ang mga naunang pagtatangkang magkaroon ng maayos na kasunduan.
Sa panig ni Senador Teofisto Guingona III, nababanaag na ang pagtatapos ng peace talks na tumagal ng 17 taon na kinakitaan ng pagpupunyagi at pagtitiyaga. Makakarating na rin ang Bangsamoro Basic Law na bubuuhin ng Transition Commission sa Senado at Kongreso upang magkatotoo ang mithi ng mga taga Mindanao.
Sinabi naman ni Mohager Iqbal na isang courtesy call ang kanilang ginawa upang iparating ang kanilang pangakong tapusin ang Bangsamoro Basic Law bago matapos ang Marso 31. May koordinasyon umano ang kanyang komite sa Tanggapan ng Pangulo, ng Senado at Kongreso.
Walang ibang daan kungdi ang pagsusulong ng kapayapaang pakikinabangan ng bawat Pilipino, hindi lamang ng mga kabilang sa Moro Islamic Liberation Front.
Para kay Kalihim Teresita Quintos-Deles, isang mahalagang pagkakataong makasama sa Kasaysayan ng bansa ang pagpapanday ng kapayapaan. May mga konsultasyon sa mga Kristiyano at mga katutubo upang mabatid ng lahat ang nilalaman ng Bangsamoro Basic Law.
Tiniyak ni Chairman Iqbal na ginagawa nila ang lahat upang maiparating sa lahat ng mga nasa Mindanao, mga nagmumula sa iba't ibang tribo at maging sa Kristiyano ang kahalagahan ng Bangsamoro Basic Law.
Ani Chairman Iqbal, sa likod ng mga pangako nina Pangulong Aquino, Senate President Drilon at Speaker Belmonte na susuportahan ang Bangsamoro Transition Commission at ang gagawin nitong batas, nasusulat sa Quran na walang sinuman ang tutulungan ng Diyos kung hindi niya tutulungan ang kanyang sarili. Kikilos sila upang maipasa ang panukalang batas. Ipararating nila sa madla ang kahalagahan at nilalaman nito at ang prosesong pinagdaanan nito upang matiyak na makapapasa sa oras na magkaroon ng ratification sa susunod na taon.
Sa katunungan kung mayroong mga probisyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law na mangangailangan ng pagsusog sa Saligang Batas, tiniyak ni Chairman Iqbal na sa lahat ng kanilang mga pinag-usapan at napagkasunduan kabilang na ang apat na annexes sa Framework on the Bangsamoro, walang anumang probisyon na mangangailangan ng pagsusog sa Saligang Batas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |