|
||||||||
|
||
Pamahalaan, pinayuhang huwag magpadalus-dalos sa privatization ng ospital
SENADOR, PINAYUHAN ANG PAMAHALAAN, HUWAG MAGPADALUS-DALOS. Ito ang mensahe ni Senador Aquilino Pimentel III sa Kagawaran ng Kalusugan sa pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center. Makabubuti umanong pag-aralang mabuti ang balak na ito. (Albert Calvelo)
PINAYUHAN ni Senador Aquilino "Koko" Pimentel III ang pamahalaan na huwag magmadali sa pagsasapribado ng kaisa-isang orthopedic hospital nito. Makasasama umano ang palatuntunang ito sa pagpapagaan ng kalagayan ng mga mahihirap.
Hiniling ng senador sa Kagawaran ng Kalusugan na huwag munang isailalim sa privatization ang Philippine Orthopedic Center hanggang hindi natutugunan ang mga isyung inilabas ng iba't ibang sektor tulad ng National Orthopedic Hospital Workers Union-Alliance of Health Workers.
Nangangamba ang senador na maliban sa hindi na pagkakaroon ng maayos na pagdalo sa pangangailangan ng mahihirap sapagkat 'di na sila makakabayad ng kanilang hospital bills, mawawalan pa rin ng trabaho ang mga kawani sa oras na magkaroon ng bagong management ang pagamutan.
Nakalulungkot ding isipin na sa pagkakaroon ng P 84.4 bilyong budget, hindi pa makapagbibigay ng basic health services sa pagkakaroon ng kakaibang kalakaran.
Nakuha ng Megawide-World Citi Consortium ang kontrata sa privatization ng POC sa halagang P 5.69 bilyon at umaasang magkaroon ng modern facilities ang pagamutang dalubhasa sa mga problema sa buto.
Nararapat umanong pag-aralan ng makailang ulit ang desisyong ito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |