|
||||||||
|
||
Simbahan, tutulong sa mga nasalanta ni "Yolanda"
TUTULONG ANG SIMBAHAN SA ESTADOS UNIDOS SA MGA NASALANTA NI "YOLANDA." Ito ang tiniyak ni Oklahoma Archbishop Paul S. Coakley na siya ring Chairman ng Catholic Relief Services sa panayam kaninang umaga. Dumalaw ang kanyang koponan sa Tacloban City at nalungkot sa pinsalang nakita sa kapaligiran. (Melo M. Acuna)
KAHANGA-HANGA ang lalim ng pananampalataya ng mga biktima ng napakalakas na bagyong "Yolanda" at tiyak na mangangailangan sila ng tulong mula sa loob at labas ng Pilipinas.
Ito ang pananaw ni Arsobispo Paul S. Coakley, Chairman ng Catholic Relief Services at Arsobispo ng Oklahoma City.
Sa isang panayam matapos ang Misang inialay para sa mga kawani ng Catholic Relief Services sa Pilipinas, mga kabalikat na ahensya at mga biktima ng bagyo, sinabi ni Arsobispo Coakley na hindi niya mawari ang pinsalang idinulot ng bagyo sapagkat mas malala pa ang kanyng nakita sa pagdalaw sa Tacloban City sa nakalipas na ilang araw kaysa nakita niya sa mga ulat ng media. Ilang araw silang nanirahan sa Tacloban City.
Naniniwala ang arsobispo na mapupunuan ng Catholic Relief Services ang kanilang inilaang target na salapi upang makatulong sa relief at rehabilitation ng mga biktima. Unang naibalita na balak nilang makalikom ng US$ 50 milyon para sa matagalang pagtulong sa mga biktima.
Idinagdag pa niya na kasalukuyang nagtitiponm ang US Conference of Catholic Bishops noong Nobyembre ng tumama ang malakas na bagyo sa Leyte na ikinasawi ng libu-libong mamamayan. Napagkasunduan ng mga obispo sa Estados Unidos na magsagawa ng second collection at umabot sa higit sa US$ 10 milyon ang kanilang nalikom.
Maganda umano ang tugon ng mga kabalikat ng Catholic Relief Services mula sa iba't ibang bansa.
Naniniwala siyang magtatagal bago makabawi ang mga mamamayang naapektuhan ni "Yolanda." Gagawin umano nila ang lahat upang makatulong at hindi nila malilimutan ang pangangailangan ng mga biktima.
Nanawagan si Arsobispo Coakley sa lahat na makakatulong na ipagpatuloy ang pagpapadala ng kanilang ambag sa matagalang rehabilitasyon ng mga biktima.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |