|
||||||||
|
||
Pangulong Aquino: Tama ang desisyon ng Korte Suprema
IPINAGTANGGOL ni Pangulong Aquino ang naging desisyon ng Korte Suprema na ayon sa Saligang Batas ang probisyon hinggil sa online libel.
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag, sinabi niyang walang anumang balak ang pamahalaan na kitlin ang kalayaang mamahayag subalit ang lahat ng mga karapatan ay may limitasyon.
Hindi rin umano makaratungan na parusahan ang libelo sa pahayagan at radyo samantalang makakalaya ang mga nasa online.
Ipinagtanong niya kung pipigilin ba ang kalayaang mamahayag? Hindi naman iyon ang layunin ng batas.
Nakaharap ng mga mamamahayag si Pangulong Aquino matapos ang pagtatanghal sa proyektong Estero de San Miguel sa may Malacanang kanina.
Ito ang reaksyon ni Pangulong Aquino matapos lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na ang online libel provision sa kontrobersyal na Cybercrime Prevention Act of 2012 ay ayon sa Saligang Batas ng 1987.
Sa desisyon, niliwanag ng Korte Suprema na ang orihinal na may akda ng lumalabag sa batas na artikulo ang mananagot sa ilalim ng cybercrime law at hindi ang mga nakatanggap o nagbigay ng reaksyon sa material.
Ipinaliwanag pa ng pangulo na ang lahat ng karapatan ay nagwawakas sa oras na makasasama na ito sa ibang tao. Kahalintulad rin umano ng batas hinggil sa print at broadcast media ang ruling sa cybercrime law.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |