|
||||||||
|
||
Ulat ni Melo 20140320
|
INULIT ng mga obispo ng Mindanao ang kanilang panawagan kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na itigil na ang copper and gold mining sa Tampakan, South Cotabato na nagkakahalaga ng US $ 5.9 bilyon. Ito ang headline material ng CBCP Monitor.
Isang liham ang kanilang ipinadala kay Pangulong Aquino na nananalangin para sa maayos na desisiyon sa isyu at nilagdaan ng 23 arsobispo at obispo ng Mindanao. Kabilang sa mga lumagda si Cotabato Archbishop Orlando Beltran Cardinal Quevedo.
Kahit umano makatutulong ito sa ekonomiya ng bansa, sinabi ng mga obispo na ang proyekto ng Xstrata Plc, na may tanggapan sa Pilipinas, ay makasasama sa komunidad at makapipinsala sa kalikasan.
Ayon sa mga obispo, ang pinsala ay higit na malaki kaysa benepisyong matatamo ng pamahalaan. Pinatatakbo ng Sagittarius Mines, Inc., magkakaroon ng exploration para sa 13.5 milyong toneklada ng tingga at 15.8 milyong onsa ng ginto na makapagbibigay ng P 134 bilyon sa pamahalaan sa bawat taon.
Kahit pa maigting ang pagtanggi ng mga mamamayan, inilabas ng pamahalaan ang environmental compliance certificate sa Sagittarius Mines, isang tanggapan ng Xstrata noong nakalipas na Pebrero ng 2013.
BISHOP DINUALDO GUTIERREZ: HINDI PINANSIN NI PANGULONG AQUINO ANG PETISYON LABAN SA OPEN-PIT MINING. Sinabi ni Bishop Gutierrez ng Marbel, South Cotabato na ngayo'y sumulat na sila kay Pangulong Aquino upang himukin siyang itigil na ang kontrobersyal na mining project sa Tampakan, South Cotabato. (Larawan ni Roy Lagarde/CBCPNews)
Ikinalungkot ni Bishop Dinualdo Gutierrez ng Marbel na nakasasakop sa proyekto, na hindi pinansin ni Pangulong Aquino ang petisyong nilagdaan ng may 100,000 mga mamamayang nanawagang itigil na ang kontrobersyal na proyekto.
Nanindigan ang mga obispong may isyung hinggil sa moralidad ang pagmimina. Idinagdag nilang may 4,000 ektarya ng mga kagubatan at sakahan ang mapipinsala dahilan sa pagmimina. May 6,000 katao ang mawawala sa kanilang mga tinitirhan na karamiha'y mga B'laan. Mayroon ding peligro sa food security at maging sa buhay ng tao sapagkat gagamit sila ng cyanide.
Ikinabahala din ng mga obispo ang karahasan laban sa mga B'laan dahilan sa pagtatanggol ng mga mamamayan sa kanilang mga kinagisnang mga lupain.
Wala pa umanong pahayag ang Sagittarius Mines na ang open pit mining ay makakatiyak ng pagpapahalaga sa mga nilikha ng Diyos. Noong Nobyembre, 2011, nagbalak ang mga obispong makipag-usap kay Pangulong Aquino tungkol sa Tampakan Mining subalit wala man lamang natanggap na sagot.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |