|
||||||||
|
||
UNDP, magpapatuloy sa pagtulong sa mga biktima ni "Yolanda"
TINIYAK ni United Nations Development Program Administrator Helen Clark na magpapatuloy ang kanilang pagtulong sa mga biktima ng napakalakas na bagyong "Yolanda" noong nakalipas na Nobyembre.
Sa isang press briefing, sinabi ni Bb. Clark na mula sa relief operations ay magtutungo na sila sa rehabilitation and recovery phase ng pagtulong sa mga biktima ng bagyo. Kahit pa sanay na ang mga Pilipino sa bagyo, tulad ng mga nakalipas na karanasan, nangangailangan ang mga biktima ng tulong upang maibalik sa normal ang kanilang kabuhayan.
UNDP ADMINISTRATOR HELEN CLARK, DUMALAW KAY PANGULONG AQUINO. Nag-usap sina Pangulong Aquino at United Nations Development Program Administrator Helen Clark sa Malacanang kanina. Tiniyak ni Bb. Clark na magpapatuloy ang tulong ng kanilang ahensya sa mga nasalanta ni "Yolanda" sa Central Philippines. (Malacanang Photo)
Ang livelihood programs ang bibigyang prayoridad ng UNDP tulad ng Food and Agriculture Organization. Naputol man ang libo-libong puno ng niyog, mapapakinabangan naman ito sa pagtatayo ng mga tahanan at magkakaroon na rin ng pagtatanim na muli. Magkakaroon umano ng ibayong sigla ang daigdig ng kalakal at ekonomiya sa pagkakaroon ng hanapbuhay at pagtugon sa pangangailangan sa pagkakaroon ng pansamantalang matitirhan ang mga biktima.
Magkakaroon ng mga bagong pananim tulad ng iba't ibang gulay ang maaaring itanim samantalang naghihintay ng paglaki ng mga binhi ng niyog sa kanayunan. Sa ganitong paraan, hindi mababakante ang mga magsasaka.
PAGBABAGO SA KLIMA, NAKAMAMATAY NA. Sinabi ni Bb. Helen Clark, dating New Zealand Prime Minister at ngayo'y UNDP Administrator na masama ang epekto ng pagbabago sa klima. Kailangang tumugon ang iba't ibang bansa upang makaiwas sa kapahamakan. Ipinaliwanag niyang magpapatawag si UN Secretary General Ban Ki-Moon ng isang pandaigdigang pulong tungkol sa climate change sa New York sa darating na Setyembre at malaki ang maiaambag ng Pilipinas sa karanasan nito sa mga nakalipas na bagyo. (Melo Acuna)
Ipinaliwanag ni Administrator Clark, ang dating Prime Minister ng New Zealand, na hindi baguhan ang mga Pilipino sa pagtugon sa mga trahedya. Nagkataon lamang na lubhang napakalakas ng bagyo kaya't nahirapang tumugon sa emerhensya. Tutulong ang UNDP sa pangangailangan.
Sa Setyembre, magkakaroon ng Climate Change Conference sa New York sa pamamagitan ni United Nations Secretary General Ban Ki-moon at mahalaga ang maiaambag ng Pilipinas sa pamamagitan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa magaganap na pagpupulong.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |