|
||||||||
|
||
melo20140407.m4a
|
SERYOSO ANG PAMAHALAANG IBSAN ANG KAHIRAPAN. May mga palatuntunan ang pamahalaan upang mabawasan ang kahirapan sa kanayunan. Ito ang sinabi ni Ramon Falcon, (dulong kanan) ang chief Economic Development Specialist ng National Economic Development Authority. Samantala, sinabi nina Dr. Jose S. Sandejas (gitna) and Prof. Gary Olivar (pangalawa mula sa kaliwa) ng Foundation for Economic Freedom na hindi sagka sa kaunlaran ang pagdami ng mga mamamayan. Bagkos, mapapadagdag sila sa mga manggagawa. Ang problema lamang ay wala pang pinasiglang palatuntunan sa sektor ng pagsasaka, dagdag pa ni Dr. Sandejas. (Areopagus Social Media for Asia photo).
HINDI kailanman biro para sa pamahalaan ang pagbabawas ng kahirapan sa Pilipinas. Ito ang nagkakaisang pananaw ng mga panauhin sa katatapos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Ayon kay Ginoong Ramon Falcon, ang Chief Economic Development Specialist ng National Economic and Development Authority (NEDA) na isa ito sa mga prayoridad ng Administrasyong Aquino na naluklok sa puesto noong ika-30 ng Hunyo 2010. Umaasa ang pamahalaang maibababa ang poverty rate mula 23 hanggang 25% ngayong 2014, 20-23% sa 2015 at 18-20% sa 2016.
Sa target ng pamahalaang 7.0 hanggang 8.0% growth ng Gross Domestic Product, nagmula sa 6.8 noong 2012, narating naman ang 7.2% noong nakalipas na 2013.
Bagama't ang target ng pamahalaan ay 22.0% ng Investment to GDP ratio, nagkaroon ng 20.3 noong 2012 at 21.1% noong 2013. Ang target na unemployment rate ay mula 6.8 hanggang 7.2% at natamo ng Pilipinas ang 7.0% noong 2012 at 7.1% noong 2013. Samantala, sa target na 16.6% ng poverty incidence base sa porsiyento ng populasyon, umabot ito sa 25.2% noong 2012.
Ayon sa paliwanag ni G. Falcon, sa supply side, nangunguna ang services sector at sinundan ng industry sector. Sa kanilang ginawang pagsusuri, mula sa taong 2011 hanggang 2013, ang bansa ay malapit na kungdi man ay natamo na ang targets sa siyam mula sa 15 indicators sa larangan ng Kalusugan. Natamo na rin ang malawakang reporma sa curricula at balangkas ng Edukasyon sa pamamagitan ng Kindergarten Act of 2012 at Enhanced Basic Education Act of 2013.
Mayroon na ring palatuntunan para sa National Health Insurance Program at social pension para sa mga mahihirap na senior citizens samantalang mayroon ng direct housing assistance sa may 222,167 na pamilya mula 2011 hanggang 2013.
Bagaman, sinabi ni G. Falcon na ang pagbabawas ng kahirapan ay nananatiling isang malaking hamon para sa pamahalaan.
Sinabi naman ni Dr. Jose S. Sandejas, isang dating opisyal ng Commission on Population at isang matagumpay na mangangalakal, na hindi hadlang sa kaunlaran ang paglago ng bilang ng mga mamamayan sapagkat higit na makikinabang ang lipunan sa pagkakaroon ng maraming mga manggagawa. Problema ng bansa kung magkaroon ng malaking pagbaba ng bilang ng mga isisilang dahilan sa gagawin ng pamahalaang pagpapatupad ng Reproductive Health Law na nakabimbin sa Korte Suprema ng Pilipinas.
Sa panig ni Prof. Gary Olivar, isang trustee ng Foundation for Economic Freedom na ang problema sa bansa ay ang productivity ng mga manggagawa. Mataas na sahod subalit kahina pa rin ang productivity kaya't nagdadalawang-isip ang mga banyagang nais magkalakal.
Para kay Grace Ponce, tagapagsalita, ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, makakabilang na sa kanilang beneficiaries ang mga kabataan hanggang 18 taong-gulang. Niliwanag niyang patuloy ang kanilang paglilinis ng talaan ng mga nakatalang tatanggap ng benepisyo para sa pagpapadala ng mga anak sa paaralan at pagtungo sa mga health center upang maiwasan ang pagkakasakit.
Binalikan ni Dr. Sandejas ang malaking potensyal ng sektor ng Pagsasaka sapagkat higit na maraming mga Pilipino ang makikinabang sa pagpapa-unlad ng sektor na ito. Sa panig ni Prof. Olivar na malaking salapi ang ginugol sa pag-aangkat ng mga pagkain mula sa ibang bansa. Kung pinag-ibayo ang pagpapa-unlad ng pagsasaka sa halip na bumili ng mga pagkain sa ibang bansa, milyong mga Pilipino ang magkakaroon ng hanapbuhay.
Maipagwawagi ng pamahalaan ang kampanya laban sa kahirapan sa oras na gumastos ang bansa sa sektor ng Edukasyon sapagkat darami ang magkakaroon ng makataong hanapbuhay.
Ipinaliwanag din ni Dr. Sandejas na sa kanilang pagsusuri, kaya mayroong mga mag-asawang maraming anak ay dahilan sa layunin maka-alpas sa bangis ng kahirapan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |