|
||||||||
|
||
Special Feature
Mga kwento sa likod ng bawat Barong Tagalog
KALAKAL NG BARONG TAGALOG, MASIGLA. Kahit pa napinsala ang pinagkukunan ng piña at pinapakyaw ng mga malalaking patahian sa Maynila ang piña at ibang telang gamit sa paggawa ng barong tagalog, masaya si Gng. Cress Roxas-Lontoc sapagkat tuloy ang pagdagsa ng mga mamimili at mga nagpapatahi. Ang pibrang jusi ay mula sa Tsina, ani Aling Cress, mula sa isang uri ng saging. Kabilang sa kanyang mga mamimili ang mga Pilipinong nasa Italya at America. Mahirap umanong gawin ang mga barong na binurdahan sa pamamagitan ng kamay. (Melo Acuna)
HINDI biro ang pagtatahi at pagbuburda ng kinagiliwang Barong Tagalog na karaniwang isinusuot sa bawat pagdiriwang, mula sa kasal, binyag, at maging sa libing. Ang barong ay maaaring nagmumula sa piña o jusi na isinusuot din sa mga mahahalagang okasyon tulad ng mga pagdalaw ng mga opisyal na Pilipino sa ibang bansa at maging sa mga pagtitipon.
Dumalaw ako sa Heritage Town ng Taal sa Batangas at nakapanayam ko si Cress Roxas-Lontoc, isang mangangalakal ng barong mula pa noong 1964. Minana niya (mula) sa kanyang mga magulang ang kalakal na ito at hanggang ngayo'y gumagawa ng barong, saya, traje de boda o damit pangkasal at iba pang produktong mula sa burdang-kamay ng may mga 100 mga magbuburda sa mga kalapit-barangay ng poblacion.
Ani Aling Cress, tumatagal ang burdang-kamay ng may dalawang buwan at nagkakahalaga ng P 3,500. Karaniwang umaabot ng P 15,000 ang mga barong na ginagamit ng mga kababaihan.
Maselan, ani Aling Cress, ang pagbuburda sa pamamagitan ng kamay sapagkat ang nagbuburda ay kumikita lamang ng P 100.00 bawat araw. Problemado rin siya sampu ng mga nasa industriya ng barong tagalog dahilan sa pinsalang idinulot ni "Yolanda" sa mga taniman ng piña at pamamakyaw ng mga malalaking patahian sa Metro Manila.
Malaki ang pagkakaiba ng halaga ng damit ng mga magpapakasal sapagkat sa mga tanyag na patahian sa Maynila ay nagkakahalaga ito ng mula P 800,000 hanggang P 1 milyong para sa buong bridal entourage. Sa patahian ni Aling Cress, nagkakahalga lamang ito ng P 200,000.
Tumatanggi si Aling Cress na gamitin ang social media sa kanyang kalakal sapagkat sapat na umano ang kanilang ginagawa ngayon. Mayroon siyang sampung nagtatahi ng barong na pangbabae samantalang 15 katao naman ang nagtatahi ng barong tagalog ng kalalakihan.
May sampung puesto sa palengke ng Taal na tumatanggap na patahi at nagbibili ng mga barong tagalog maliban sa may 150 iba pang nasa kalakal ng barong tagalog.
Ang mga turistang dumadalaw sa Taal ay tiyak na dadaan sa palengke upang tingnan ang mga produktong gawa sa piña at jusi. Walang anumang patalastas na makikitang nagsusulong ng mga barong tagalog at iba pa.
Ani Aling Cress, ang mga customer na natutuwa sa kanyang gawa ang siyang nagbabalita. "Word of mouth" na lamang ang kanyang inaasahan sapagkat hindi umano siya nasira sa kanyang pangako sa mga mamimili. Sinusunod ang takdang panahon ng pagtatahi at pagdadala ng mga produkto.
Nagpapasalamat sila kay dating Pangulong Joseph Estrada na nagpatupad noon ng kautusang gumamit ng barong tagalog ang mga kawani ng pamahalaan minsa sa limang araw ng pagpapatrabaho. Tumaas umano ang kanilang benta sa 'di inaasahang kautusan.
Ang telang jusi, ayon kay Aling Cress, ay mula sa Tsina sa isang uri ng saging.
Ngayon, ang kalakal ng barong tagalog ay patuloy na masigla sa pagbili ng mga Pilipinong nasa Italya at maging sa America. Karaniwan na nilang ginagamit ang barong tagalog sa mga okasyon
Walang anumang tulong na natamo mula sa pamahalaan ang kalakal ni Aling Cress. Hindi rin siya nangutang sa mga bangko upang palaguin ang kanyang kalakal.
Bagaman, nahaharap din sila sa problema sapagkat karamihan sa mga nagbuburda, lalo na ang mga kabataang babae, ay nakakakuha ng hanapbuhay sa Taiwan at iba pang mga pook na nagbibigay ng sahod na 'di bababa sa P 17,000 para sa mga pabrika.
Hindi rin siya apektado ng kalakal na paarkila ng barong tagalog at mga damit pangkasal sapagkat sa kanyang karanasan ay hirap man ang nagpapakasal ay bumibili na rin ng damit na magagamit pa sa mga susunod na panahon.
Para kay Aling Cress, magpapatuloy siyang magkalakal ng barong tagalog sapagkat malakas pa naman siya. Pinakikiusapan na siya ng kanyang mga anak na nasa ibang bansa na tumigil na sa paghahanapbuhay subalit ipagpapatuloy pa rin niya sapagkat tuloy ang pangangailangan ng mga Pilipino at banyagang dumadalaw sa kanyang puesto sa Pamilihang Bayan ng Taal.
Para sa kanyang mga kaibigan at mga interesado, mayroon siyang cell numbers 09062638445, 09224907664 at 09297085845. Accessible din siya sa kanyang electronic mail address at ito'y cresslontoc@yahoo.com
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |