|
||||||||
|
||
Melo 20140729
|
PILIPINAS AT EUROPEAN UNION HIGIT NA MAGTUTULUNGAN. Sinabi ni Baroness Catherine Ashton, Vice President ng European Union na magiibayo ang pagtutulungan ng Pilipinas at European Union. Ito ang kanyang unang pagdalaw sa Pilipinas. Nasa dulong kaliwa si Foreign Affairs Secretary Albert F. Del Rosario. (Melo M. Acuna)
SINABI ni European Union Vice President Baroness Catherine Ashton na nais nilang maganap ang kapayapaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at Pamahalaan ng Pilipinas sa madaling panahon. Interesado ang European Union na magkatotoo din ang kaunlaran sa katimugang bahagi ng bansa.
Ani Kalihim Albert F. Del Rosario, napapanahon ang pagdalaw na ito ni Baroness Ashton sapagkat ipinagdiriwang ang ika-50 taong pagtutulungan at pagkakaibigan ng Pilipinas at European Union.
Mula sa EU ang foreign direct investments na nagkakalahalaga ng US $ 12.5 bilyon o 1/3 ng buong kalakal na pumasok sa Pilipinas. Naniniwala rin ang European Union, dagdag pa ni Kalihim del Rosario na mahalaga ang pag-uusap kaysa paggamit ng dahas o pananakot sa anumang sigalot na nagaganap sa pagitan ng mga bansa.
Sa joint press conference sa Manila Diamond Hotel, sinabi ni Baroness Ashton na higit pa sa kalakal at pagtulong ang kanilang inaasahan sa pakikipagkaibigan ng EU sa Pilipinas.
Isang mahalagang bagay ang tungkol sa mga magdaragat (seafarers) na kailangang magsanay sa pagpapataas ng kakayahan ng mga magdaragat. Nagpasalamat din siya kay Baroness Ashton sa pagbibigay ng anim na buwang paglugit sa pagsunod sa mga reporma sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) para sa mga magdaragat na Filipino.
Sa idinaos na press conference, sinabi ni Lady Ashton na isang magandang halimbawa ang European Union ng ASEAN na hindi magtatagal ay magiging isang economic community pagsapit ng unang araw ng Enero, 2016.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |