|
||||||||
|
||
Dalawang Senador, humiling na madetine na lamang ang tatlong akusado sa Camp Crame
HINILING nina Senador Vicente Sotto III at Gregorio Honasan II na huwag ng ilipat sa karaniwang piitan sina Senador Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon "Bong" Revilla samantalang dinirinig ang kanilang mga usapin.
Sa ilalim ng Senate Resolution 798, sinabi ng dalawang mambabatas na nararaat magkaroon ng access sa mga pasilidad at sapat na espasyo upang magampanan pa rin nila ang kanilang gawain bilang mga kinatawan ng mga mamamayan.
Kabilang sina Senador Sotto at Honasan sa minority bloc na kinabibilangan din nina Enrile at Estrada. Kasama rin sa minorya sina Senador Nancy Binay at Joseph Victor Ejercito.
Sa kanilang resolusyon, sinabi ng dalawang mambabatas na ang tatlo ay kinikilalang walang kasalanan hanggang hindi nagkakaroon ng final conviction mula sa hukuman sa ilalim ng Section 14, article III ng 1987 Constitution.
Ayon naman kay Senate President Drilon, ang resolusyon ay di makapipigil sa Sandiganbayan na iutos ang paglilipat ng mga mambabatas sa ibang piitan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |