|
||||||||
|
||
PINABULAANAN ni Budget and Management Secretary Florencio B. Abad na isang "election budget" ang P 2.6 trilyong panukalang gagastusin ng pamahalaan sa 2015.
Bibigyan ng prayoridad ang mga pangangailangan ng 44 na lalawigan. Ani Secretary Abad, ang kahirapan ng mga mamamayan sa bawat pook ang dahilan ng kanilang paglalaan ng angkop na salapi upang matugunan ang poverty reduction, pagtustos sa edukasyon, kalusugan at pagawaing-bayan. Pagtutuunan ng pansin ang kahirapan ng pook, ang bilang ng mahihirap na mamamayan at ang kanilang peligro mula sa mga kalamidad na dala ng pagbabago sa panahon.
Malaki rin ang pagkakaiba sa paggasta ng pamahalaan sa social protection at social services para sa mga mahihirap.
Kailangang dagdagan ang gastos ng Department of Education sapagkat mayroon na ring K to 12 program na nagdagdag na dalawang taon sa basic education.
Ang gastos sa public health ay lumago ng 300% at tiyak na lalaki pa sa pagkakaroon ng salaping nakuha mula sa Sin Tax na magdudulot ng benepisyo ng Universal Health Care para sa mga 50.7 milyong mga Filipino. Nagkakahalaga ang PhilHealth benefits ng may P 37 bilyon.
Nais din nilang makarating sa 4% ng Gross Domestic Product sa taong 2015 na mag-uugat sa infrastructure development. Umabot lamang umano ito sa 3% ng GDP noong 2013.
Pinabulaanan din niya ang alegasyon ng ilang sektor na buo ang lumpsums ni Pangulong Aquino na nagkakahalaga ng may P 1 trilyon. Ani Kalihim Abad, ang mga lumpsums na ito ay ang Calamity o NDRRMC Fund upang tugunan ang mga pinsalang idudulot ng sama ng panahon.
Pangalawa ang Contingency Fund na gagamitin para sa mga pangangailangan ng pamahalaan tulad ng pagiging punong-abala sa mga pandaigdigang pagpupulong tulad ng APEC sa 2015. May salapi ring nakalaan sa Local Government units na natatagalan sapagkat kailangan pa ng sertipiko mula sa Bureau of Internal Revenue na nakolekta na ang royalties mula sa mga kumpanyang may mga tanggapan at operasyon sa mga lalawigan at lungsod.
May nakalaang pondo rin para sa Rehabilitation and Reconstruction na nagkakahalaga ng P 1 bilyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |