|
||||||||
|
||
Madla, dapat maghanda sa lindol
KAILANGANG sumunod ang mga mamamayan sa National Building Code upang matiyak na ligtas ang kanilang mga tahanan at mga gusali.
Ito ang sinabi ni Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson sa pagdinig na ginawa sa House Appropriations Committee na pinamunuan ni Congressman Isidro Ungab ng Davao City sa panukalang budget ng DPWH na nagkakahalaga ng higit sa P 287 bilyon para sa 2015. Lumaki ang panukalang budget ng ahensya ng may 39% kung ihahambing sa taong 2014.
Isang mambabatas ang nagtanong kung anong paghahanda ang ginagawa ng DPWH sa sinasabing lindol na may lakas na magnitude 7 hanggang 8. Sa panig ng DPWH, sinabi ni Singson na patuloy ang pag-aayos ng kanilang standards sa pagtatayo ng mga pagawaing-bayan tulad ng mga tulay.
Ito umano ang dahilan kaya't inaayos ang Magallanes interchange at iba pang mga tulay.
Ipinaliwanag ni Secretary Singson na mas malaki ang problema ng mga tahanang hindi naitayo ng maayos. Marami umanong mga bahay na halos walang sinunod sa National Building Code.
Ang malalaking mga gusali ay may disenyong makatatayo sa malalakas na lindol kaya't marami ang gumagamit ng bakal at ang disenyo ay gawa ng mga structural engineer. Mas delikado ang mga gusaling may dalawa hanggang tatlong palapag na 'di sumusunod sa National Building Code, particular ang mga tahanang itinayo bago sumapit ang 1985 hanggang 1986.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |