|
||||||||
|
||
Public Private Partnerships, malaki ang potensyal
MAGANDA ang hinaharap ng Pilipinas sa larangan ng Public Private Partnership. Ito ang pananaw nina Ramesh Subramaniam at Trevor Lewis ng Asian Development Bank sa kanilang pakikipagtalakayan sa mga mamamahayag ng Asia-Pacific Region.
Ayon sa mga dalubhasa, mas maliwanag ang mga kalakarang sumasaklaw sa PPP ngayon sa Pilipinas kung ihahambing sa mga nakalipas na panahon. Kitang-kita ang transparency sa procurement program.
Masiglang tinutugunan ng tanggapang nakatuon sa Public Private Partnership ang lahat ng mga tanong ng iba't ibang grupong interesado sa palatuntunan. Kinikilala ang mga technical, financial at legal aspects ng proyekto.
Sa panig ni Trevor Lewis, mayroong PPP Center na nakatuon ang lahat ng panahon at atensyon sa mga katanungan ng mga kumpanyang nais maglagak ng kapital. Magkakaroon talaga ng kumpetisyon sa pagitan ng mga bansang may mga kahalintulad na programa.
Magpapagandahan ng mga programa at insentibo ang mga pamahalaan upang magkaroon ng mga kabakas sa mga programang mula sa mga lansangan, daang-bakal at iba pang mga pagawaing-bayan.
Ang pinakamahalaga ay ang paglalagdaan ng mga pamahalaan at pribadong sektor sa mga proyektong ipatutupad. Ang malalagdaang partnerships ang magiging pamantayan at posibleng mapamarisan ng mga kalapit bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |