Ang larong Football o Soccer ay isa ngayon sa mga pinakakilalang laro sa buong mundo. Bagamat, hindi pa ito masyadong kilala sa Pilipinas, nagsisimula na rin itong umangat; salamat sa pagpupunyagi ng ating koponang Azkals. Sa katatapos lamang na World Cup sa Brazil, muling napatunayan ang kasikatan ng larong ito sa buong mundo. Dagsa-dagsang mga tao mula sa ibat-ibang sulok ng daigdig ang dumayo sa Brazil upang manood ng laro at suportahan ang koponan ng kanilang mga bansa. Kung minsan, dahil sa init ng laro, nagkakaroon pa nga ng kaunting girian ang mga manlalaro at fans, isang normal na situwasyon kapag nasa ganitong lebel ng kompetisyon. Masasabi nating ang Soccer ay maihahalintulad sa basketball sa Pilipinas. Kapag naglalaro ang ating paboritong koponan, todo suporta tayo. Dito naman sa Tsina, napakarami ang fans ng Football. Kahit walang koponan ang Tsina sa World Cup, todo suporta ang mga Tsino sa paborito nilang koponan. At dahil, malayo ang diperensya ng time zone sa Brazil at Tsina, mapapanood sa Tsina ang mga laro, mga gawing alas-kuwatro ng umaga. Pero, magkagayunman, makikita pa rin ang maraming Tsino sa mga bar, kasama ng kanilang mga kaibigan upang manood ng laro: ang iba naman, kahit nasa kanilang mga bahay, gumigising sila ng madaling araw para manood. Mayroon pang ilan na nag-file ng leave sa kanilang mga trabaho para panoorin ang World Cup. Ganyan po kahilig ang mga Tsino sa panonood ng Foot ball. Pero, sa kabila ng pagkahumaling ng mga Tsino sa panonood ng Football o Soccer, kakaunti lamang ang mga Tsinong naglalaro nito, at hindi rin kagalingan ang mga koponan ng Tsina sa paglalaro nito. Bakit? Iyan po, at maraming pang iba ang sasagutin ni Rowan Simons, isang Briton na nagsusulong ng larong Football sa Tsina. Narito po ang kanyang kuwento.