Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Kuwento ni Rhio: Isang Kuwentong Pamasko

(GMT+08:00) 2014-12-24 16:21:48       CRI

 Mga kababayan, kumusta po ang Noche Buena kanina? Sana kahit papaano ay naging masagana ang ating hapag-kainin, at sana ay nabusog tayo. Dito po sa Beijing, nagkaroon din kami ng kaunting salu-salo, kasama ang aking pamilya at iba pang malalapit na kaibigan. Matagal-tagal na rin po ako rito sa Tsina, at marami-rami na rin akong Paskong ipinagdiwang na malayo sa aking mga magulang. Bagamat, mayroon na rin akong sariling pamilya rito sa Tsina, kung minsan ay hinahanap pa rin natin ang Pasko sa Pinas. Iba pa rin ang Pasko sa ating tinubuang lupa. Dito kasi, hindi mo matitikman ang bibingka, puto bungbong, binatirol na tsokolate, at iba pang karaniwan nating kinakain sa Pinas tuwing sasapit ang Pasko. Bagamat, mayroong Misa sa araw ng Kapaskuhan, wala po kami ritong Simbang Gabi. Kaya, nakaka-miss po talaga ang Pasko sa Pinas. Para sa akin, wala pong papantay sa ating Pasko. At dahil ngayon ay araw ng Pasko, hahandogan ko kayo ng isang espesyal na programa.

Kadalasan, hinahatdan ko kayo ng kuwento ng ibat-ibang mga dayuhan o kaganapan, pero sa gabing ito, babaguhin po natin ng kaunti ang sistemang iyan. Sa halip na kuwento ng ibang Pinoy o mga laowai, ang sarili kong kuwento rito sa Tsina ang aking ihahain sa inyo.

Si Rhio, dumating ng Beijing, noong 2011

Ang buong pangalan ko ay Rhio Mata Zablan. Ipinanganak po ako sa probinsya ng Tarlac. Limang taon na ang nakakaraan, nang una akong pumunta rito sa Tsina, sa pamamagitan ng isang seminar. Pagkaraan ko pong mag-gradweyt sa unibersidad, pinalad po tayong makapagtrabaho sa pinakamataas na tanggapan ng pamahalaan ng Pilipinas bilang manunulat at mamamahayag. Noong Oktubre ng 2009, naipadala po ako sa Tsina, kasama ang iba pang mamamahayag ng noon ay Office of the Press Secretary, na ngayon ay Presidential Communication Office. Pagdating sa Beijing, malugod kaming tinanggap ng aming host. Maliban sa mga lecture at iba pang kaalaman tungkol sa pamamahayag, inilibot din nila kami sa ibat-ibang sangay ng media ng Tsina.

Sina Rhio at Mary

Doon ko po nakilala si Mary, ang aking asawa; siya po ay isang Tsino. Doon din nagsimulang magbago ang takbo ng aking buhay. Masasabi ko pong tadhana ang aming pagkikita. Pagkatapos ng seminar, bumalik ako sa Pilipinas. Pero, marami akong nakilala at naging kaibigan, kasama na ang aking asawa, kaya naman hindi naputol ang komunikasyon ko sa kanila. Kahit hirap si Mary sa pag-i-Ingles, pinipilit po niyang kausapin ang inyong lingkod tuwing tinatawagan ko siya. Dito nagsimula ang aming love story. Di-tulad ng marami sa ating mga kababayan, na ang pangunahing dahilan ng pagpunta nila rito sa Tsina ay paghahanap ng mabuting trabaho, ang akin naman ay medyo kakaiba. Sa maniwala po kayo o sa hindi, ang pangunahing dahilan ng pagpunta ko rito sa Tsina, ay para makasama si Mary.

Alam kong kung mananatili ako sa Pinas, walang mangyayari sa relasyon namin ni Mary, kaya nagdesisyon po ang inyong lingkod na muling magpunta sa Tsina. Sa kabutihang-palad, at sa tulong ng ating mga kaibigang Tsino, isang internasyonal na himpilan ng radyo ang nag-alok sa atin ng trabaho. Tinanggap ko po ito. Nagbitiw ako sa aking tungkulin sa Pilipinas, at noong Disyembre ng 2010, dumating po ako sa Beijing.

Pagkatapos ng 1 taon, at maraming pag-aasikaso ng papeles, pabalik-balik na proseso sa Philippine Embassy sa Beijing, at marami pang iba, nagpakasal po ang inyong lingkod. At matapos muli ang isang taon, dumating po sa buhay namin si Glicel, ang aking munting anghel. Sa ngayon, magdadalawang taon na po siya, at baka sa susunod na taon, unang beses niyang makikita ang Perlas ng Silangan, ang ating pinakamamahal na Pilipinas.

Bilang mamamahayag, ang aking pinaka-importanteng tungkulin ay pabutihin ang pag-uunawaan ng mga mamamayang Tsino't Pilipino sa pamamagitan ng pagpapayaman ng kultura, pagkakaibigan, wika, at marami pang iba. Kaya naman, patuloy pong nagpupunyagi ang inyong lingkod upang makagawa ng mas makabuluhan at mas kapana-panahong mga programang hatid ay saya, at kaalamang nagpapalakas ng pagkakaibigan sa pagitan ng mga Pinoy at Tsino.

Hindi po lingid sa kaalaman nating lahat na may kaunting sigalot sa pagitan ng pamahalaang Pilipino at Tsino. Pero, sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, lalo pa pong lumalakas ang bigkis ng pagkakaibigan. Patunay po riyan ang lao pang lumalakas na kalakalan sa pagitan ng Tsina't Pilipinas, pagbuti ng pagpapalitang pangkultura at panturismo, at marami pang iba.

Si Rhio, at mga estudyente niya ng Arnis sa Tsina

Bilang aking personal na adbokasiya at para makatulong sa lalo pang pagpapabuti ng pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, itinatag po ng inyong lingkod ang National Arnis Association of the Philippines (NARAPHIL) China Chapter. Ito po ang kauna-unahan at kaisa-isang organisasyon sa Chinese mainland na nagtuturo ng Arnis, ang ating pambansang laro, panlaban, at ipinagmamalaking pamana ng lahing Pilipino sa mundo. Nagsimula po akong magsanay sa Arnis maraming taon na ang nakakaraan: huwag na po ninyong tanungin kung kalian at nalulungkot lang po ako Napapaloob sa Arnis ang libong kasaysayan at kultura ng lahing Pilipino.

Kaya, naisip ko pong, wala nang mas bubuti pang paraan para mapalakas ang pag-uunawaan ng mga Pilipino at Tsino kaysa sa pagtuturo ng ating sining. Sa pamamagitan nito, mas makikilala ng mas maraming Tsino angt kulturang Pilipino at mas malalapit naman sa mga Pilipino ang mga Tsino. Sa ngayon, patuloy pong lumalaganap ang NARAPHIL China at ating sining ng Arnis sa Tsina. Inaasahan po natin, na sa mga susunod pang taon, makakapagprodyus na tayo ng mga tagapagturong Tsino. Sa ganitong paraan, lalong lalaganap at makikilala ang Arnis sa Tsina.

Ang National Arnis Association of the Philippines (NARAPHIL) ay isang non-profit, non-government organization na nagpupunyagi upang palaganapin ang Arnis, bilang sports, paraan ng pagpapanatili ng kalusugan, pagpapalganap ng kulturang Pilipino, at paraan ng pagtatanggol sa sarili. Sa ngayon, ang NARAPHIL ay nasa ilalim ng pamumuno ni Capt. Ricardo F. Sarte bilang Tagapangulo, Jose Rene P. Herras, Pangalawang Tagapangulo, at Generoso M. Martinada, Jr., Secretary General. Siyempre, nariyan din po sina Chairman of the Board Dir. Romeo C. Mascardo at Vice Chairman Meneleo E. Estepa, MD. Ang NARAPHIL China ang siya pong opisyal na sangay ng NARAPHIL dito sa Tsina.

 

May Kinalamang Babasahin
rhio
v Ang pambihirang kuwento ni Dominic Johnson-Hill 2014-12-11 18:59:38
v Musika mula sa Berlin 2014-12-05 16:28:27
v Kauna-unahang "gift app" ng Tsina 2014-11-27 11:05:39
v Heyrobics at paghahanap ng kaligayahan 2014-11-20 15:47:15
v Chinese Dream ng Isang Laowai 2014-11-13 15:58:54
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>