|
||||||||
|
||
melo
|
LUMAGO ang ekonomiya ng Pilipinas sa huling tatlong buwan ng 2014 at umabot sa 6.9% kaya't natamo ang 6.1% Gross Domestic Product na mas mababa sa target namula 6.5 hanggang 7.5% ng pamahalaan sa taong 2014. Lumago ang ekonomiya ng Pilipinas noong 2013 at natamo ang growth rate na 7.2%.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, ang paglago ng ekonomiya noong 2014 ay nagmula sa malawak na larangan tulad ng pagsasaka, industriya at services sectors na nagtamo ng matatag na kaunlaran. Kung ihahambing sa iba pang mga ekonomiya na nakapaglabas na ng datos para sa 2014, ang Pilipinas ay pumangalawa sa Tsina na nagkaroon ng 7.3% at nauna sa Vietnam na nagtamo ng 6%.
Ang agriculture sector ay nagkaroon ng 4.8% sa huling tatlong buwan ng 2014 mula sa 0.9% noong huling tatlong buwan ng 2013. Ang malaking ani ng mga sakahan at pangisdaan ang nagsulong ng kaunlaran sa sektor ng pagsasaka.
Ang industry sector naman ay nagkaroon ng pinakamataas na kaunlaran sa anim na nakalipas na kwarter at natamo ang 9.2%. Naganap ito sa double-digit expansion ng construction sector at malakas na performance ng manufacturing subsector.
Lumago rin ang services sector ng 6.0% at pinakamalaking nakapag-ambag sa kaunlaran ng ekonomiya sa lawak nito.
Malakas pa rin ang private consumption sa huling tatlong buwan at natamo ito sa mas mataas na kalakal ng pagkain at non-alcoholic beverages, mga kagamitan at pribadong construction.
Ipinaliwanag pa ni Kalihim Balisacan na lumago din ang bilang ng mga manggagawang Filipino mula sa 37.8 milyon at natamo ang 38.8 milyon. Lumago rin ang exports ng may 15.5% sa huling tatlong buwan ng 2014 at nagkaroon ng 12.1% expansion sa buong 2014 kung ihahambing sa ikatlong quarter na nagkaroon ng 9.9% growth.
Bumawi umano ang pamahalaan sa kanilang paggasta sa huling tatlong buwan ng 2014 sa pagkakaroon ng 9.8% increase ng government final consumption expenditure. Nagmula ito sa 2.6% na contraction sa ikatlong kwarter ng 2014 at mula sa 0.4% contraction sa huling tatlong buwan ng 2013. Lumago ang personal services at maintenance at operating expenses na naitala sa huling tatlong buwan ng 2014.
Idinagdag pa ni Secretary Balisacan na hindi na maituturing na "Sick Man of Asia" ang Pilipinas sa natamong kaunlaran mula noong 2010 hanggang noong nakalipas na taon. Handa na ang Pilipinas na makipagkumpetisyon sa East at Southeast Asian nations at nalampasan na ang atras-abanteng takbo ng ekonomiya sa mga nakalipas na taon.
Sa taong ito, umaasa ang Pilipinas na magkakaroon ng kaunlarang mula 7 hanggang 8%.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |