|
||||||||
|
||
Dating defense secretary nalungkot sa naganap sa Maguindanao
IKINALUNGKOT ni dating Defense Secretary at AFP Chief of Staff Renato S. De Villa ang pagkasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force na naging biktima ng masaker ng pinagsanib na mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Sa isang mensaheng ipinadala sa CBCP News, wala nang lilinaw pa sa ginawang pagkakanlong at pagtatago ng MILF sa mga pinaghahanap na mga teroristang kinilala sa mga pangalang Marwan at Usman. Maliwanag ding lumabag ang MILF sa ipinatutupad na tigil-putukan sa pamahalaan at pagtataksil sa layunin ng peace process sa pakikipagsagupa sa mga pulis ng SAF ng ilang oras.
Ani G. De Villa na naglingkod bilang pinuno ng Philippine Constabulary at Armed Forces of the Philippines noong panahon ni Pangulong Corazon C. Aquino, hindi mauunawaan ang pahayag ng MILF na hindi nagkaroon ng koordinasyong papasok sila sa sinasabing nasasakupang lupain.
Hindi raw niya maisip at mawari kung bakit minamaliit ng mga negosyador at pinuno ng pamahalaan ang karumaldumal na krimeng ginawa ng MILF.
Lumalabas na takot ang pamahalaang akusahan ang MILF sa kanilang ginawa at sa kanilang magiging reaksyon.
Nagpasalamat si G. De Villa kina Senador Allan Peter Cayetano at JV Ejercito sa pag-urong ng kanilang suporta sa panukalang Bangsamoro Basic Law. Pinasalamatan din niya si Senador Ferdinand Marcos, Jr. sa pagsuspinde ng talakayan hinggil sa BBL. Ipinakita umano ng tatlo na mayroon silang paninindigan. Marapat lamang ang kanilang ginawa, dagdag pa ni G. De Villa.
Nagtanong pa si g. De Villa kung pagtitiwalaan pa ba ng mga mamamayan ang MILF sa kanilang mga pangako na maglalansag ng mga armadong tauhan at mamumuhay ng payapa sa oras na maipasa ang Bangsamoro Basic Law.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |