|
||||||||
|
||
Pakikinig sa mga mamamayan, mahalaga
KAILANGANG MAKINIG SA MGA BIKTIMA NG TRAHEDYA. Ito ang sinabi ni G. Marco Boasso, Chief of Mission ng International Organization for Migration sa idinaos na pagpupulong hinggil sa accountability ng mga naglilingkod sa mga nasalanta ng mga trahedya. (Melo M. Acuna)
SINABI ni G. Marco Boasso, chief of mission ng International Organization for Migration na mahalaga ang pakikinig sa mga mamamayan sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran upang mabatid ang kanilang pangangailangan.
Sa kanyang mensahe sa idinaos na pulong na pinamagatang "Humanitarian Accountability in Action: A Showcase of Best Practices," sinabi ni G. Boasso na kailangan ng mga ahensya tulad ng IOM, Plan International at World Vision na marinig ang mga pagsusuri, pangangailangan at puna ng mga mamamayan sa mga programang ipinatutupad sa mga pook na nasalanta ng mga kalamidad tulad ng bagyong "Yolanda" at "Ruby".
Idinagdag pa ni G. Boasso na iba ang kalakaran noong mga nakalipas na 25 taon sapagkat nakasalalay ang lahat sa mga programang mula sa international agencies na walang anumang konsultasyon sa mga mamamayan. Mahalaga ang pakikinig sa mga komunidad upang higit na maging angkop ang mga programa sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Nagaganap ito sa ilalim ng kanilang programang "Communicating With Communities" at "Accountability on Affected Populations" sapagkat bukod sa mga nagtaguyod ng mga programang ipararating sa mga komunidad, may accountability ang mga ahensya sa mga nangangailangan ng tulong.
Sa palatuntunan, binigyang pansin ang pakiusap sa mga mamamayan na iparating ang kanilang saloobin at tinitiyak na mapagtitiwalaan ang mga kumakatawan sa mga ahensyang nasa komunidad at sa pagsasama-sama, maipararating sa kinauukulan ang mga hinaing.
Ang pagbibigay sa mga mamamayan ng oportunidad na sabihin ang kanilang mga saloobin ang higit na magpapagaan sa gawain ng mga ahensya. Sa isinagawang survey sa mga biktima ng mga kalamidad kamakailan, 80% ang nagsabing nakatanggap sila ng ayuda mula sa mga pandaigdigang samahan samantalang 19% ang nagsabing nakatanggap sila ng tulong mula sa pamahalaan at may 1% na nakinabang sa donasyon ng iba pang samahan.
Isinusulong nila ang accountability, efficiency at pagpapatibay ng internal controls at pagbabago sa pag-uugali ng mga mamamayan mula sa pagiging mahiyain at tahimik, layunin nilang marinig ang tinig ng mga apektado ng magkakasunod na kalamidad.
Bukod sa International Organization for Migration, kabalikat din sa programa ang World Vision at Plan International sa pagdalo sa mga pangangailangan ng mga biktima ng mga kalamidad sa Eastern at Western Visayas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |