|
||||||||
|
||
Symbolic turn-over ng may 700 tahanan sa Kabisayaan, idinaos
SYMBOLIC TURN-OVER NG SUSI SA MGA BAGONG TAHANAN GINAWA. Nagsasalita si Fra' Matthew Festing (kaliwa), Grand Master ng Sovereign Military Hospitalier Order of St. John of Jerusalem ng Rhodes at Malta sa Malacanang matapos ibigay kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang susi sa may 700 mga tahanang itinayo sa Basey, Samar at Bantayan, Cebu para sa mga binagyo noong 2013. (Malacanang Photo)
SA pagdalaw sa Pilipinas ni Prince Fra' Matthew Festing, Grand Master ng Sovereign Military Hospitaller Order of St. John Jerusalem, ng Rhodes at Malta, ipinagkaloob ng dumalaw na panauhin kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang simbolo ng mga susi sa 700 mga tahanang ipagkakaloob ng kanilang samahan sa mga pamilya sa Basey, Samar at Bantayan Island sa Cebu.
Makikinabang sa mga tahanang ito ang mga biktima ni "Yolanda" o "Haiyan" na napinsala noong 2013.
Niliwanag ni Fra' Festing na ang bilateral relationship ay hindi bilang isang nagkaloob at isang tumanggap kungdi ng magkakabalikat na nagsasama-sama sa pagdudulot ng tulong sa mga nangangailangan tulad ng mga biktima ng mga kalamidad.
Kasunod ng pagbibigay ng susi, pinarangalan ni Pangulong Aquino si Fra' Festing ng Order of Sikatuna na may ranggong Rajah,
Ayon kay Pangulong Aquino, ito ay sa pagkilala sa mga naitulong ng samahan. Ang parangal ang pinakamataas na maigagawad sa pinuno ng bansa at simbolo ng pasasalamat sa pakikipgkaibigan at tulong sa nakalipas na 50 taon.
Pinarangalan din si Pangulong Aquino ng pinakamataas na parangal ng Malta, ang Pro Merito Melitensi bilang pagkilala sa mga nagawa ng pangulo para sa mga mamamayan.
Si Fra' Festing ang ikalawang lider ng Order of Malta na dumalaw sa bansa. Unang dumalaw si Fra' Angelo de Majana di Cologna noong 1979. Nakatuon ang tulong ng Order sa post-emergency interventions, kabilang ang rehabilitasyon at disaster-preparedness programs para sa mga komunidad na apektado ng bagyo sa nakalipas na mga taon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |