|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Mga Batang Manggagawa, Paksa sa Araw ng Kalayaan
MGA alagad ng sining at mga mang-aawit ang magdaraos ng isang konsiyerto laban sa child labor sa darating na Biyernes, ika-12 ng Hunyo at ika-117 taong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Kasabay ito ng World Day Against Child Labour. Tampok sa pagdiriwang sina Noel Cabangon, The Dawn, Ebe Dancel, Dicta License, Brass Pas Pas Pas, Kain Honasan, Maya's Anklet at Reklamo na mananawagan sa pagtatapos ng child labour.
Ayon kay Francis de Veyra, musical director at bahista ng Radioactive Sago Project at Bignay Sound System, ang child labour ay taliwas sa pandaigdigang kalakaran sapagkat karapatan ng mga kabataang mag-aral at maglaro.
Sa Pilipinas ay may 2.1 milyong child labourers mula lima hanggang 17 taong gulang na karamihan ay nasa mapanganib na kalagayan. Mula sa Philippine Statistics Authority ang datos. Nagtatrabaho ang mga kabataan sa mga sakahan at mga taniman, mapanganib na pook tulad ng minahan, lansangan, mga pabrika at maging sa mga tahanan bilang mga kasambahay. Na sa sakahan ang 58% sa mga manggagawang kabataan.
Malawak at malalim ang ugat ng child labour ayon kay Lawrence Jeff Johnson, country director ng International Labour Organization. Kailangang matutukan ang mga kabataan upang maibsan ang panganib na kanilang kinakaharap.
Nanawagan si Director Johnson na kumilos ang lipunang Filipino upang madala ang mga kabataan sa mga paaralan at makapaglaro tulad ng inaasahan sa mga kabataan sa ibang bahagi ng daigdig.
Idaraos ang konsiyerto sa Rizal Park Open Auditorium mula ika-apat at kalahati ng hapon sa Biyernes, ika-12 ng Hunyo. Pinamagatang "Batang Malaya Concert" ang pagtitipon.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |