|
||||||||
|
||
Matatag na programa kailangan ng Pilipinas
MGA HAMON SA EKONOMIYA NG BANSA, MATUTUGUNAN. Ito ang sinabi ni Governor Amando Tetangco, Jr. ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa idinaos na Philippine Economic Briefing kanina. Mahina pa rin ang pandigdigang ekonomiya. Ang financial market ay nababahala sa ano mang magaganap sa interest rates ng America at gagawin ng mga Tsino sa kanilang salapi. Problema rin ang hagupit ng El Nino sa bansa. Matutugunan ito sa tamang paggasta sa pagawing-bayan, tamang pamamalakad at pagtustos sa mga kabataan. (BSP Photo)
NANINIWALA si Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando M. Tetangco, Jr. na nahaharap ang Pilipinas sa tatlong malalaking hamon na nangangailangan ng napapanahong tugon.
Sa kanyang talumpati sa pagsisimula ng Philippine Economic Briefing sa Philippine International Convention Center kanina, sinabi ni G. Tetangco na nananatiling mahina ang pandaigdigang ekonomiya kaya't binawasan ng iba't ibang ahensya ang kanilang economic projections para sa taong 2015 hanggang sa taong 2016.
Ipinaliwanag ni G. Tetangco na ang anumang pagbabago ay 'di nangangahulugan ng kaunlaran. Ang kaunlaran ay mula sa pagsasanib ng pagbabago at pagpapatuloy ng mga nasimulan sapagkat kung walang pagpapatuloy ng magandang nasimulan, walang anumang kaunlarang matatamo.
Mabuway pa rin ang financial market at baka higit pang sumidhi samantalang nababahala ang daigdig sa Federal lift-off at sa mga susunod pang gagawin ng mga Tsino na inaabangan ng buong pamilihan.
Pangatlong problema ang matinding hagupit ng El Nino sa Pilipinas.
Sa mga hamong ito, sinabi ni G. Tetangco na makatitiyak ng pagpapatuloy ng biyayang nakakamtan sa larangan ng ekonomiya at pagbabago kung babalik sa mga sinaunang kinagawian.
"Back to basics," dagdag pa ni G. Tetangco at ang mga ito ay ang governance, human capacity at infrastructure na siyang nagpapatatag ng ekonomiya. Nasimulan nang makamtan ang biyaya ng mga pagbabago sa pamamalakad ng pamahalaan. Nasimulan na rin ang mga pagawaing bayan at ngayo'y nasa demographic window na.
Malaki ang pag-asa ng Pilipinas kung magtutulungan ang lahat, mula sa pamahalaan, pribadong sektor at kalakal sampu ng mga mamamayan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |