|
||||||||
|
||
20151018 Melo Acuna
|
NAKARATING na sa lupa ang bagyong si "Lando" na may international name na "Koppu" sa Casiguran, Aurora kaninang ala-una ng umaga, oras sa Pilipinas. Mayroong Category 3 ang bagyo at halos hindi gumalaw ng higit sa apat na oras.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, bahagyang humina ang bagyo pagtama sa lupa at mayroon na lamang na lakas na 175 kilometro malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 210 kilometro bawat oras. Bumagal din ito sa pagkilos mula sa 12 kilometro bawat oras at ngayo'y tatlong kilometro bawat oras na lamang patungo sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Tinatayang magiging malakas ang buhos ng ulan sa may 600 kilometrong nasasakop ng bagyo. Ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, sa pagsusuri ng PAGASA, malaki ang posibilidad na umabot sa apat na metro ang taas ng daluyong sa Aurora at sa mga kalapit lalawigan samantalang ang alon sa kalagitnaan ng karagatan ay posibleng tumaas pa sa 14 na metro.
Umabot na sa 3,600 pamilya o 14,300 katao ang nailikas na. Mayroong 3,300 pamilya o 13,000 katao ang pansamantalang naninirahan sa may 108 evacuation centers.
Ibinalita na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na mangangailangan ng emergency communications, mga pagkain at kagamitan at emergency shelter. Humiling na ang Office of Civil Defense sa Philippine Humanitarian Country Team na ihanda ang communications teams at mga kagamitan upang makatugon sa pangangailangan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |