|
||||||||
|
||
MAKIKIPAGTULUNGAN ANG ASIAN DEVELOPMENT BANK SA AIIB. Sinabi ni ADB President Takehiko Nakao na isang magandang pagkakataong magkatulungan ang kanyang pinamumunuang bangko at ang bagong-tatag na Asian Infrastructure Investment Bank sapagkat malaki ang kakulangan sa pagawaing-bayan sa rehiyon tulåd ng Pilipinas, Indonesia at India. Ito ang buod ng kanyang pahayag hinggil sa AIIB sa isang briefing para sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines kaninang umaga. (Melo M. Acuna)
MAKAKAASA ang mga umuunlad na bansang makikinabang sa pagtutulungan ng Asian Development Bank at ang bagong tatag na Asian Infrastructure Investment Bank.
Ito ang sinabi ni ADB President Takehiko Nakao sa isang open forum na dinaluhan ng mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines sa ADB regional headquarters sa Mandaluyong City.
Ayon kay Pangulong Nakao, dalawang ulit na silang nagkausap ni Jin Liqun sa Baku, Azerbaijan sa ADB Governor's Meeting noong nakalipas na Marso at sa Beijing noong nakalipas na Setyembre.
Ilulunsad ang Asian Infrastructure Investment Bank sa Beijing sa darating na Sabado, ika-16 ng Enero at magiging kinatawan ng ADB ang isa sa mga pangalawang pangulo. Hindi makadadalo si Pangulong Nakao sa okasyon.
Idinagdag pa ni G. Nakao na nagkaroon sila ng isang working lunch sa kanyang pagdalaw sa Beijing. Nagkasundo silang magtulungan at sabay na maglabas ng salapi para sa mga proyektong may kinalaman sa mga pagawaing-bayan. Nagkasundo sila na sa pamamagitan ng pagawaing-bayan o infrastructure ay mababawasan ang kahirapan. Mayroong malaking pangangailangan ng mga pagawaing-bayan sa Asia tulad ng Pilipinas, Indonesia at India.
Napagkasunduan din nila ni Pangulong Jin na bigyang-pansin ang epekto ng mga proyekto sa lipunan at sa kapaligiran. Kailangan ding magkaroon ng mga alituntunin sa pagtutulungan at paglalabas ng salapi ng magkabilang panig sa pamamagitan ng co-financing.
Sa karanasan ng Asian Development Bank, magbabahagi sila ng kanilang kaalaman sa larangan ng environmental at social projects. Nasimulan na ang talakayan para sa co-financing samantalang umaasa si Pangulong Nakao na maihahayag ang mga proyektong ito sa larangan ng mga pasilidad sa transportasyon at sa mga lansangan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |