|
||||||||
|
||
Politika ang nasa likod ng pagbubukas ng pagdinig sa Mamasapano
POLITIKA lamang ang nasa likod ng pagbubukas na muli ng pagdinig ng Senado sa madugong sagupaang naganap sa Mamasapano noong nakalipas na taon. Magugunitang bubuksang muli ang pagdinig sa darating na ika-25 ng Enero, unang anibersaryo ng pagkasawi ng may 44 na tauhan ng PNP Special Action Force.
Sa isang panayam sa Davao City, sinabi ni Pangulong Aquino na alam ng madla na malapit na ang campaign period. Nakikita umano ng pangulo na ang Mamasapano ang pinakamabigat na isyu laban sa kanya at sa kanyang administrasyon. Nagkataon umanong kaarawan ng kanyang yumaong ina, si namayapang Pangulong Corazon C. Aquino ang petsa.
Lumabas na sa balita na pamumunuan ni Senador Grace Poe, isang kandidato sa pangka-pangulo at katunggali ni Secretary Manuel Araneta Roxas II, ang pagdinig sa Lunes bilang pinuno ng Senate Public Order committee. Magugunitang hiniling ni Senador Juan Ponce-Enrile (ang pagdinig) dahil may bagong ebidensyang nakamtan kaya't bubuksan ang panibagong pagdinig.
Magugunitang napalpak ang police operation na naghahabol sa isang nagngangalang Zulkifli bin Hir na may alias na "Marwan" na nauwi sa pagkamatay ng 44 na tauhan ng Special Action Force, 17 kasapi ng Moro Islamic Liberation Front at tatlong sibilyan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |