|
||||||||
|
||
Solicitor General, hihiling sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon para sa same-sex marriage
HIHILINGIN ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na pawalang-saysay ang petisyong nagpapawalang bias sa isang probisyon sa Family Code of the Philippines na nagbabawal ng kasal sa parehong kasarian.
Ito ang sinabi ni Solicitor General Florin Hilbay sa mga kasapi ng Judicial and Bar Council ng tanungin ng kanyang paninindigan sa isyu sa pagsasagawa ng public interview kanina sa mga nominado sa pagiging associate justice ng Korte Suprema.
Kasama si Hilbay sa 16 na pinangalanang kandidato sa mababakanteng puesto ni Associate Justice Martin Villarama na magreretiro na sa Sabado, ika-16 ng Enero dahil sa kanyang karamdaman.
Wala umanong katuturan ang petisyon ng isang Atty. Jesus Nicardo M. Falcis III. Hiniling ni Falcis na nagpakilalang "openly gay" sa Korte Suprema na pawalang saysay ang mga Article 1 and 2 at Articles 46 paragraph 4 at 55, paragraph 6 ng Family Code.
Isinasaad sa Family Code na ang kasal ay mananatili sa pagitan ng isang lalaki't babae samantalang ang mga Artikulo 46 at 55 ay nagsasabing ang pagiging lesbian at homosexual ang dahilan ng annulment at legal separation.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |