|
||||||||
|
||
Dating opisyal ng PDEA, nadakip sa drug bust operation
ISANG dating opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nadakip kasama ng isang sinasabing Tsino sa isang drug bust operation kanina na kinatagpuan ng may P320 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa isang tahanan sa Maynila.
Nadakip si Colonel Ferdinand Marcelino, dating director ng Special Enforcement Services ng PDEA kasama si Yan Yi Shou ng pinagsanib na tauhan ng PDEA at Philippine National Police sa Maynila.
Mayroong search warrant mula sa Quezon City Regional Trial Court na nagsabing ang tahanan ay isang bodega ng illegal drugs.
Sa pagsalakay, natuklasang isa itong malaking laboratoryo ng bawal na gamot.
Sa panayam kay PDEA Director General Arturo Cacdac, Jr. sinabi ng general na sa kanilang unang impormasyon, nakasamsam sila ng 64 na kilo ng shabu. Kinikilala si Col. Marcelino na suspect sapagkat nadakip siyang kasama ni Shou sa operasyon.
Ani General Cacdac, nakalulungkot na kilalang suspect si Col. Marcellino sapagkat naroon siya sa laboratoryo. Lumalabas na magkakilala sina Colonel Marcelino at Shou sapagkat magkasama silang dumating sa laboratoryo.
Idinagdag pa ni General Cacdac na wala sa kanilang mga sinusubaybayan si Marcelino at laking gulat nilang makita ang opisyal sa pook ng kanilang operasyon. Nakalulungkot umano ang pangyayari.
Ayon kay Cacdac, nabatid nilang si Marcelino ay nasa Military Intelligence Group-4 ng Intelligence Service of the AFP.
Tumanggi si Marcelino sa akusasyon. Wala umano siyang kasalanan at wala siyang nararapat itago.
Si Shou ay naglingkod bilang interpreter ng PDEA noong 2005. Dinala na si Campo Crame si Marcelino upang masiyasat.
Samantala, nanindigan si Marcelino na kasama siya sa isang lehitimong intelligence project. Wala umano siyang kinalaman sa illegal drug operation na nabuwag ng pulisya at PDEA kanina.
Ito ang sinabi ni Marcelino matapos iaharap sa media bilang suspect sa insidente.
Isa umanong lehitimong proyekto, isang intelligence project at naroon sila upang alamin ang impormasyon. Ikinalungkot niyang hindi siya pinayagang magpaliwanag ng kanyang panig.
Samantala, sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni dating PDEA Director General Dionisio Santiago na umaasa siyang maninindigan ang pamahalaan sa papel ni Marcellino sa pagbuwag ng illegal drug operations sa bansa.
Sinabi ni Santiago na iba't ibang drug operations na ang ginawa sa bansa, kabilang na ang pagdakip sa anim na banyaga sa Camiling, Tarlac na kinatagpuan ng P 3 bilyong halaga ng shabu ang nagtagumpay sa kagagawan ni Marcelino.
Ani General Santiago, marami ng operasyon si Marcelino subalit hindi pumapapel. Nakapagbigay na rin umano ng briefing si Marcelino sa pangulo ng bansa hinggil sa mga operasyon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |