|
||||||||
|
||
HINDI maitatatwa na malaking halaga ang nawawala sa Philippine Charity Sweepstakes Office dahil sa hindi pagpapatupad ng buong batas hinggil sa Small Town Lottery.
MARAMING SALAPING NAWALA SA PCSO. Ito ang sinabi ni Phil. Charity Sweepstakes Office Chairman Erineo Maliksi (dulong kanan) na malaking salapi ang nawawala sa pamahalaan sa operasyon ng Small Town Lottery na unang inakalang susugpo sa jueteng. Ito ang kanyang binanggit sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Dumalo rin sa talakayan si Arsobispo Oscar V. Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Hindi nakasama sa larawan si Dean Gabby Lopez ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. (ADalan/Contributed Photo)
Ito ang sinabi ni PCSO Chairman Erineo Maliksi, ang kasakuluyang chairman, sa ilegal na operasyon ng Small Town Lottery na mas kilala sa pangalang jueteng.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Chairman Maliksi na kumikita lamang ang PCSO ng mula sa P 29-30 bilyon sa bawat taon. Kalahati ng halagang ito ang pambayad sa mga nagwawagi at ang nalalabing bahagi ang pangtulong sa mga nangangailangan ng ayudang maysakit at iba pa.
Umaabot din saP1.9 bilyon ang hindi nababayarang buwis sa pamahalaan. Ikinalungkot din ni Chairman Maliksi na limitado na lamang ang kanilang natutulungan sapagkat limitado na rin ang kanilang pondo.
Ipinaliwanag pa ni G. Maliksi na ipinasiyasat na niya sa National Bureau of Investigation ang gawi-gawi ng mga may STL subalit nagpapatakbo ng jueteng.
Para kay Arsobispo Oscar V. Cruz, hindi na kagulat-gulat ang pagragasa ng illegal na sugal sapagkat darating na ang halalan sa loob ng ilang buwan. Ang mga pasugal na ito, ayon sa arsobispo ang siyang gatasan ng ilang mga politiko at ilang opisyal ng pamahalaan.
Para kay Dr. Gabriel Lopez ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, karaniwan na sa mga mahihirap na tumaya sa pag-asang maiibsan ang kanilang kahirapan. Sa kanilang pagtaya sa jueteng o sa lotto, umaasa silang mababago ang kanilang katayuan. Suballit kung maikikintal sa kanilang kaisipan ang kahalagahan ng pamumuhay ayon sa kinikita sa loob ng isang araw, isang linggo at maging isang buwan, ay makaiiwas na silang tumaya sa sugal.
Walang problema sa lotto, sabi ni Chairman Maliksi sapagkat transparent ito, nakatitiyak ang madlang nais tumaya na walang anumang illegal sa operasyon nito.
Nanawagan naman si Arsobispo Oscar V. Cruz na kailangang mag-isip ang mga mamamayang tumataya sa sugal na sila'y naloloko ng mga may pa-jueteng sapagkat wala ng nagaganap na bola. Matapos marebisa ang walang tinayaang kombinasyon ay ito na ang pinananalo upang puro papasok sa may pasugal ang salapi.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |