|
||||||||
|
||
Kinatawan ng Santo Papa, dumalaw kay Pangulong Aquino
MATAPOS ang walong araw na 51st International Eucharistic Congress na idinaos sa Cebu City, dumalaw ang kinatawan ni Pope Francis, si Myanmar Archbishop Michael Maung Cardinal Bo sa Malacanang at nakausap ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Sinabi ni Secretary Edwin Lacierda na pinag-usapan nilang dalawa ang naganap na pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas at ang pagdalaw ni Pangulong Aquino sa Vatican noong nakalipas na Disyembre.
Ayon kay Secretary Lacierda, ang mga pagdalaw na ito ang pinakamalalaking pangyayari sa relasyon ng Pilipinas at Vatican.
Napag-usapan din ang matagumpay na pagdaraos ng 51st International Eucharistic Congress na kinatampukan ng pagdalaw ng may 15,000 mga kinatawan mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Nagsimula ang International Eucharistic Congress noon pang 1881 upang bigyang pansin ang kahalagahan ng eukaristiya sa pananampalataya.
Pinuri ni Cardinal Bo ang tatag ng pananampalataya ng mga Filipino na siyang sandigan ng mga mamamayan sa gitna ng mga pagsubok.
Sa kanyang mensahe, sinabi naman ni Pope Francis na mahalaga ang papel ng Pilipinas sa pagpapakalat ng pananampalataya sa bahaging ito ng daigdig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |