|
||||||||
|
||
160329melo.mp3
|
Mga magdaragat na Indonesian, dinukot umano ng Abu Sayyaf
LUMABAS sa mga silid pambalitaan ang sinasabing pagkakadukot sa sampung magdaragat na Indonesian sa may karagatan ng Sulu. Pinaniniwalaang mga kasapi ng Abu Sayyaf na naman ang may kagagawan.
Ayon sa impormasyong mula sa intelligence sources ng Western Mindanao, sinabi ni Major General Demy Tejares, deputy commander ng Task Force Zambasulta (Zamboanga-Basilan-Sulu-Tawi-Tawi), isang Indonesian tugboat na may pangalang Brahman 12 ang naglalayag sa may Tambulian Island sa Tapul nang sakyan ng magkapatid na sina Nickson at Brown Muktadil na mga tauhan ni Alhabsy Misaya, isang lider ng Abu Sayyaf.
Tinutukan ng baril ng magkapatid ang mga tripulante at hinila ang tugboat sa pamamagitan ng isang maliit na sasakyang dagat. Natagpuan ang maliit na sasakyang-dagat na ginamit sa paghila sa tugboat sa baybay-dagat ng Tubig Dakula sa Languyan, Tawi-Tawi.
Unang natanggap ni Major Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Western Command na nawawala ang mga banyagang sakay ng tugboat sa Zambasulta. Maglalabas umano sila ng pormal na pahayag sa oras na matiyak na nadukot nga ang mga tripulante. Handa ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines na tumulong sa oras na magkaroon ng kumpirmasyon ang insidente.
Kilala na ang Abu Sayyaf na nagpapakilalang mga Islamist sa pamamagitan ng kidnapping, pambobomba at pamumugot ng mga bihag.
Tumangging magbigay ng pahayag ang Department of Foreign Affairs ng Pilipinas at maging ang Armed Forces of the Philippines sa Kampo Aguinaldo. Sa pakikipag-ugnayan sa Embahada ng Indonesia sa Maynila, may inihahanda umanong pahayag ang kanilang Ministry of Foreign Affairs hinggil sa insidente.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |