Pinuno ng Philippine National Police, magbibitiw
HANDANG magsumite ng kanyang courtesy resignation si PNP Director General Ricardo Marquez sa oras na lumisan si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa poder sa katapusan ng Hunyo, 2016.
Bilang paggalang kay incoming President Rodrigo Duterte, isusumite na niya ang kanyang resignation letter pagsapit ng unang araw ng Hulyo. Sa isang panayam, sinabi ni Director General Marquez na sa kanyang pagbibitiw, magiging malaya si Pangulong Duterte ng pagpili sa kanyang kahalili.
Tatlong dating pinuno ng pulisya sa Davao City ang pinagpipilian ni Pangulong Duterte na mamuno sa may 160,000 tauhan ng Philippine National Police na kinabibilangan nina C/Supt. Ronald dela Rosa na Executive Officer ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development sa Campo Crame, Chief Supt. Ramon Apolinario na siyang officer-in-charge sa MIMAROPA at Senior Supt. Rene Aspera na chief of staff ng PNP Anti-Kidnapping Group.
Ayon kay Director General Marquez, karaniwan na itong ginagawa upang mabigyan ng kalayaan ang magiging pangulo ng bansa na makapamili ng kanyang sariling pinuno ng PNP.
1 2 3 4 5