|
||||||||
|
||
Special Report
Mga Lumad, nahaharap sa matinding pagsubok (Unang Yugto)
OBISPO, NABABAHALA SA MGA PAGPASLANG. Nanawagan si Malaybalay (Bukidnon) Bishop Jose Cabantan sa iba't ibang grupo ng mga katutubo at sektor na tumulong upang matuldukan ang mga pagpaslang sa mga katutubo sa kanayunan at maging sa kabayanan at lungsod. Hati umano ang mga katutubong sadlak pa rin sa kahirapan, dagdag pa ng obispo. (Melo M. Acuna)
SA halos magkakasunod na pagpaslang sa mga katutubo sa Bukidnon, lumalabas na may mga 'di pagkakaunawaang nagaganap sa mga komunidad.
May mga katutubong nagtagumpay na sa kanilang pagpupunyaging makapag-aral at magkaroon ng mahahalagang papel sa iba't ibang larangan sa lalawigan at rehiyon.
Ayon kay Malaybalay Bishop Jose Cabantan, may mga nakapagtapos na ng pag-aaral ay isa sa mga nagtagumpay ay ang pangulo na ng isang dalubhasan sa Bukidnon. Marami na ang mga propesyunal.
Subalit ang karamihan ng mga nasa kanayunan ay lugmok pa rin sa kahirapan kahit pa may mga tumatanggap na ng biyaya mula sa pamahalaang sa programang conditional cash transfer.
May mga sigalot na nagaganap sa mga komunidad ng mga katutubo sa lalawigan ng Bukidnon hanggang sa katimugang bahagi ng Agusan del Sur.
Ito ang binanggit ni Malaybalay Bishop Cabantan sa isang panayam. May mga napapaslang na katutubo sapagkat sila'y mga militante samantalang mayroon ding mga napapaslang sa kamay ng mga kasapi ng New People's Army.
May mga pagkakataong inamin ng New People's Army ang pagpaslang sa mga katutubo dahil sa mga "kasalanan laban sa mga mamamayan" tulad ng paglustay ng salapi ng kanilang samahan, pagpanig sa mga kawal ng pamahalaan, atbp. Ang pinakahuling pinaslang ng mga gerilyang NPA ay isang nagngangalang Datu Benjamin "Otto" Omao na aktibo sa Indigenous People's Apostolate.
"Ang nakalulungkot ay ilan sa mga insidenteng naganap ay kinasangkutan ng mga taong kabilang sa Indigenous People's Apostolate, isang palatuntunan ng Diyosesis ng Malaybalay," dagdag pa ni Bishop Cabantan.
Ang mga pangyayaring ito ay 'di nababalita sa mass media, dagdag pa ng obispo.
Binanggit ni Bishop Cabantan na hati ang mga katutubo sa Bukidnon sapagkat mayroong mga militante at mayroong nanatiling kapanalig ng pamahalaan. Karamihan sa mga katutubo ay armado sapagkat nabibigyan sila ng sandata ng kanilang mga sinusuportahan tulad ng mga gerilya ng New People's Army at ng pamahalaan sapagkat sila'y kabilang na sa mga CAFGU (Citizens Armed Forces Geographical Units).
May paniniwala ang mga katutubo na may karapatan silang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa sinumang maglalayong maghasik ng panganib sa kanilang komunidad. Ang mga ito's kilala sa pangalang Gudani o mandirigma.
Samantala, sa kabilang panig, bumuo rin ang mga katutubong nagtatanggol ng kanilang komunidad laban sa mga gerilya at kilala sa pangalang Alamara.
Ipinaliwanag ni Bishop Cabantan na mayroong pag-asang magwakas ang mga walang pakundangang pagpaslang sapagkat may pamamaraan ang mga katutubong lutasin ang kanilang mga 'di pagkakaunawaan.
Maihahalintulad ang mga pagpaslang ng mga Lumad sa bawat isa sa rido ng mga Muslim.
Sa likod ng mga pangyayaring ito, nananatiling umaasa si Bishop Cabantan na papasok na rin sa mga pag-uusap ang mga datu sapagkat iginagalang pa ng mga katutubo ang kanilang mga nakatatanda.
Ang isang suliranin lamang ay ang posibilidad na may "outside forces" na nais maghasik ng gulo sa kanayunan dahilan sa kanilang interes sa likas na yamang matatagpuan sa mga lupaing kinalalagyan ng mga katutubo.
Sa kabilang dako, sinabi ni Ka Ariel Magbanwag, tagapagasalita ng NPA South Central Bukidnon na pinaslang nila si Datu Benjamin "Otto" Omao noong nakalipas na Martes, ika-17 ng Mayo sanhi ng pangangamkam ng mga lupain sa mga kapwa katutubo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |