|
||||||||
|
||
Melo 20160601
|
Katarungan para sa napaslang na brodkaster, malabo na
WALANG intensyon si incoming President Rodrigo Duterte na siyasatin at panagutin ang nasa likod ng pagpaslang sa isang kontrobersyal na brodkaster na napaslang may 13 taon na ang nakalilipas.
Sa isang press conference kagabi, sinabi ni G. Duterte na tila wala nang makakamit na anumang katarungan sa pagkakapatay kay Juan "Jun" Pala. Ipinagpatuloy ni G. Duterte ang kanyang pagtuligsa sa mga tiwaling mamamahayag na nangingikil ng salapi sa mga politiko at sa oras na 'di makatanggap ng salapi ay tinutuligsa sa mga palatuntunan sa radyo o sa kanilang mga pahayagan.
Ani G. Duterte, napaslang si Pala ng mga 'di kilalang tao sa Davao City noong ika-anim ng Setyembre 2003. Binaril siya samantalang pauwi sa kanilang tahanan sa Empress Subdivision kasama ng kanyang kapatid at pinsan. Namatay si Pala matapos magtamo ng siyam na punglo sa kanyang katawan.
Ayon kay Duterte, si Pala ay isang brodkaster na nangingikil ng salapi sa likod ng pagiging matalim na komentarista. Pawang pangingikil umano ang ginawa ni Pala at nagkaroon pa ng kasong panghahalay o rape.
Kahit batid ni G. Duterte ang nag-utos na itumba si Pala, hindi na niya ipasisiyasat ito sapagkat sayang umano ang oras.
Tatlong ulit na pinagtangkaang patahimikin si Pala. Ayon sa balitang lumabas sa media, sa ikalawang pagkakataon, pinaputukan ang kanyang sinasakyang taxi noong Abril 2003. Ayon sa Philippine Daily Inquirer, sinabi ni Pala na si Mayor Duterte ang likod sa pagtatangka sa kanyang buhay.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |