|
||||||||
|
||
Philippine Red Cross, naka-alerto na
MATAPOS ideklara ng Philippine weather bureau, ang PAGASA, na nagsimula na ang tag-ulan, alertado na ang Philippine Red Cross at inihanda na ang kanilang dagliang tugon kung sakaling magkaroon ng anumang trahedya.
Ayon sa kanilang pahayag, sinabi ni PRC Chairman at Senador Richard J. Gordon na kailangang maghanda ang lahat sa anumang trahedyang maaaring maganap. Mangyayari ito sa ilalim ng konseptong Predict, Plan, Prepare and Practice.
Kailangang maunahan ng mga mamamayan ang anumang trahedya. Sa pagbabantay sa mga balitang lumalabas sa radyo, telebisyon at pahayagan, masusuri kung ano ang magiging epekto ng trahedya sa komunidad. Makapagbabalak na rin ang madla kung ano'ng gagawin. Kailangan ito upang huwag magulat ang madla.
Mahalaga rin ang pagpapanatili ng kalinisan at kalusugan upang maiwasan ang mga karamdamang dala ng tag-ulan tulad ng dengue, leptospirosis, sipon, trangkaso at maging cholera.
Naglabas na ng memorandum ang Philippine Red Cross sa lahat ng kanilang mga sangay sa iba't ibang bahagi ng bansa. Pinakilos na rin ang Red Cross Action Team at Red Cross 143 volunteers upang makatugon sa anumang pangangailangan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |