|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Special Report
Mga katutubo, nagdaos ng pamugwas (Ikatlong Yugto)
NAGSAMA-SAMA ang mga katutubo sa Bukidnon, Misamis Oriental, Agusan del Sur at Agusan del Norte sa tanggapan ng Indigenous People Apostolate ng Diyosesis ng Malaybalay sa pagsasagawa ng pamugwas. Ang tradisyong ito ng pag-aalay ng dugo ng manok at baboy upang malinis ang pook na pinangyarihan ng krimen.
Magugunitang pinaslang si Datu Benjamin "Otto" Omao Sr. na kinatawan ng mga katutubo sa pamahalaang-lokal. Dumalo at nakiisa sa rito ang mga mag-aaral, mga tauhan ng Indigenous People Apostolate, mga pari, mga misyonera ng Medical Mission Sisters at maging mga alagad ng pulisya at mga kawal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ang pagdalo ng iba't ibang pinuno ng mga katutubo o Lumad mula sa iba't ibang pook ay pagpapadama ng pagdadalamhati at pagpapakita ng suporta at katapatan sa isang matalik at malapit na kaibigan at sa kanyang pamilya. Pagpapadama rin ito ng pagluluksa.
Ipinaliwanag ng mga madre mula sa Medical Mission Sisters sa Butong, Quezon, Bukidnon na ang dahilan ng rito ay upang maghilom ang mga pangamba at pagdadalamhati ng pamilya ng biktima. Isang paraan din ito ng panalangin upang mamayapa na ang kaluluwa ng napaslang at makapasok na sa kalangitan.
Nababawasan ang pangamba at pagluluksa ng mga naulila sa pamamagitan ng mga rito.
Idinaos din ang rito para sa paglutaw o pagsasama-sama ng komunidad bilang pag-aalay at pagpapadama ng layuning makabalik sa kapayapaan ang komunidad.
Isa lamang ito sa pinaka-sagradong rito na kinabibilangan ng anim na uri ng panalangin tulad ng panlitob na nangangahulugan na ang mga dumalo sa rito ay makatatagpo ng seguridad, panangkila, ang panalangin para sa may kagagawan ng krimen na sumuko at mabagabag ng kanyang budhi. Sa pamamagitan ng pagbasa sa pali ng manok o baboy ay mababatid nila ang kanilang kalagayan sa kasalukuyan at sa kinabukasan. Nangangamba ang mga pinuno ng iba't ibang tribu sapagkat sila ang madalas maging biktima ng karahasan.
Ang pamugwas ay kinatatampukan ng panalangin ng pinuno ng mga katutubo na kinabibilangan ng pagwiwisik ng dugo sa mga naroon sa loob ng tanggapan ng maganap ang pagpaslang kay Datu Omao.
Kinabilangan din ito ng paulaton, ang paghahayag ng lahat ng ritong ginawa sa maghapon. Kabilang din sa rito ang pagguimukod sa pamilya na kinatatampukan ng pagbabasbas sa upang mawala ang pangamba sa pamilya at mga kawani ng tanggapan ni Datu Omao.
Ang pinakahuling rito ang pamalas na siyang pagtupad sa tradisyon na kikilala sa kahalili ng napaslang na pinuno ng tribu o komunidad.
Para sa kaparian, mga misyonera, mga katutubo at maging sa mga alagad ng batas, mahalaga ang pagdaraos ng rito sapagkat isang paraan ito upang makabalik sa payapang pamumuhay ang mga Lumad.

MGA KATUTUBO, NAGSAMA-SAMA. Magkakasamang nanalangin ang mga katutubo mula sa Bukidnon, Misamis Oriental, Agusan del Sur at Agusan del Norte upang bumalik ang kapayapaan sa kanilang mga barangay. Isang prominenteng lider ng mga Lumad, si Datu Benjamin "Otto" Omao, Sr. ang pinaslang kamakailan sa kanyang tanggapan sa Malaybalay City. (MMS Photo)
MGA RITO SA MGA KATUTUBO, MAHALAGA. ipinaliwanag ni Sr. Mary Jane Caspillo, MMS, na umaasa ang mga Lumad na makababalik ang kapayapaan at kaayusan sa kanayunan matapos ang sama-samang pananalangin ng iba't ibang tribu sa hilagang silangang Mindanao. (J. Felecor)
MEDICAL MISSION SISTERS, KASAMA NG MGA KATUTUBO. Sinabi ni Sr. Mary Jane Caspillo, MMS, na mayroon silang komunidad sa Quezon, Bukidnon upang tumulong sa mga katutubo. Kabilang sa mga problemang kanilang nilulutas ang kahirapan. (Melo M. Acuna)
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |