Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pagbubukas ng klase, may pagdadalamhati

(GMT+08:00) 2016-06-13 18:57:37       CRI

SA unang araw ng klase ay tumingkad ang kakulangan ng mga pasilidad, programa at mag-aaral na kakaiba sa inaasahan ng Department of Education sa ilalim ni outgoing Secretary Bro. Armin Luistro, FSC.

CONGRESSMAN TINIO, NAGULAT SA MABABANG BILANG NG MGA PUMASOK SA SENIOR HIGH SCHOOL.  Marahil ay dahil sa kahirapan ang malaking kakulangan sa bilang ng mga pumasok sa Senior High School na nagsimula na ngayong Lunes.  Isa si Alliance of Concerned Teachers party list Congressman Antonio L. Tinio (may mikropono) sa nagpahayag ng pagkabahala sa situwasyon ng K+12 program.  (Melo M. Acuna)

Inihalimbawa ni Alliance of Concerned Teachers Party List Congressman Antonio L. Tinio na sa Batasan Hills High School sa tabi ng Mababang Kapulungan, inaasahan ang pagpasok ng may 680 senior high school students subalit kanina sa kanyang pagdaan ay 89 pa lamang ang pumapasok.

Ipinagtanong ni Congressman Tinio kung anong dahilan ng 'di pagpasok ng karamihan at sinabi rin niya na baka sa kahirapan ng mga magulang ay 'di na lamang pinahintulutan ang kanilang mga anak na pumasok sa paaralan.

Para kay Professor Rene Luis Tadle, kulang pa rin ang mga paaralan para sa senior high school tulad ng mga lumabas na balita mula sa Kabisayaan, sa Bicol at iba pang bahagi ng bansa. Hiniling din niya sa Korte Suprema ng bansa na maglabas na ng desisyon sa kanilang petisyon na humihiling na ideklarang hindi makabubuti ang K+12 program para sa Pilipinas.

"NATANGGAL NA AKO SA TRABAHO" - Ito naman ang ibinalita ni Prof. Rebecca T. Añonuevo ng nawalan na ng trabaho sa Miriam College, isang tanyag na dalubhasaan sa Pilipinas.  Ani Prof. Añonuevo, marahil ay ginamit lamang ng mga paaralan ang K+12 program upang magpalit ng mga guro at propesor na tatanggap ng mas mababang sahod at masasakalaw ng mga kontrata.  Na sa kanan si UST Prof. Rene Luis Tadle, isa sa mga kontra sa K+12 program.  (Melo M. Acuna)

Ipinaliwanag naman ni Dr. Rebecca T. Añonuevo, isa sa 21 mga propesor sa Miriam College na nawalan ng trabaho, na kahit pa nakuha na niya ang benepisyong isang buwan sa bawat taong ipinaglingkod niya sa kolehiyo, hindi pa rin niya makita ang dahilan sa pag-anyaya sa kanilang nawalan ng trabaho na mag-apply muli bilang mga guro.

Para kay Dr. Añonuevo, tila ginamit lamang ang K+12 program upang malinis ang talaan ng mga propesor at mapalitan ng mga kabataan na tatanggap ng mas mababang sahod na saklaw ng kontraktuwalisasyon.

Para kay Congressman Tinio, kahit mayroong vouchers na mula sa pamahalaan, hindi nito matutugunan ang pangangailangan ng mga papasok sa senior high school sapagkat hindi lahat ng paaralan ay may parehong matrikula lalo't higit sa mga probadong paaralan. Sa mga state universities and colleges na nag-aalok ng senior high school, angkop na ang voucher sapagkat ayon lamang sa matrikula ang ilalabas ng pamahalaan.

Ang problema, dagdag ni Congressman Tinio, ay ang pagkakaroon ng ceiling na P 22,000 sa bawat taon samantalang hamak na mas mataas ang singil ng mga pribadong paaralan.

Sinabi ni Prof. Tadle na wala sa basic education ang problema sapagkat ang mga nagtatapos sa Pilipinas ay tinatanggap naman sa trabaho kahit sa ibang bansa. Ang problema ay nasa tertiary education o sa kolehiyo sapagkat lumalabas na kulang ang panahon para sa pagtuturo ng mga nasa kolehiyo.

Binanggit at ikinabahala din ni Prof. Tadle ang pagkuha ng mga pribadong paaralan sa mga nagtapos ng Edukasyon subalit hindi pa nakakapasa sa Licensure Examinations for Teachers.

Nakababahala rin ang mga paaralang mag-aalok ng senior high school na wala ngang pasilidad para sa physical education kaya't baka higit na mahirapan ang mga magtatapos ng walang sapat na kaalaman.

Para kay Prof. Tadle, mula sa 12,878 high schools sa buong bansa, 11,018 lamang ang mag-aalok ng senior high school kaya't malaking problema ito sa mahihirap na pamilya sapagkat dagdag-gastos ang ilalaan para sa pamasahe at baon ng mga mag-aaral.

Sa pangyayaring ito, lumalabas, ani Congressman Tinio na ang mga pribadong paaralan ang mabibiyayaan at hindi ang mga mag-aaral. Hindi umano pabor sa mahihirap ang programang ito kaya't nararapat na suriing mabuti ng kinauukulan.

Repormang agraryo, kailangang suriing mabuti

REPORMANG AGRARYO, SUSURIIN.  Ito naman ang pangako ni Agrarian Reform Secretary-Designate Rafael "Ka Paeng" Mariano (may mikropono) sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina.  Aayusin din niya ang database upang magkaroon ng maayos na larawan ang programa ng pamahalaan.  (A. Dalan) 

NANINIWALA si Agrarian Reform Secretary-designate Rafael Mariano na kailangang masuri kung ano talaga ang kinahinatnan ng repormang agraryo sa mga nakalipas na taon. Isa siya sa mga naging panauhin ng Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.

Ikinalungkot ni G. Mariano na dating mambabatas sa ilalim ng Anakpawis party list na mula noong 2010 hanggang 2014, umabot sa P 80.9 bilyon ang buong appropriation ng Department of Agrarian Reform subalit umabot sa P 31 bilyon ang 'di nagamit, may P 23 bilyon ang 'di na nakalabas sa Department of Budget and Management samantalang may P 8 bilyon ang nailabas subalit unobligated funds.

Ihinambing ni G. Mariano ang naganap sa Department of Agriculture sa kanyang tanggapang pamumunuan sa huling araw ng Hunyo.

Baka umano mahirapan siyang magpaliwanag sa Committee on Appropriations ng Mababang Kapulungan at sa Committee on Finance ng Senado dahil sa naganap sa Department of Agrarian Reform sa papatapos na administrasyon.

Inamin niyang tinanggap niya ang alok na posisyon sa kanya ni incoming President Rodrigo Roa Duterte ayon sa rekomendasyon ng National Democratic Front sapagkat higit na makabubuti ito sa interes ng mga manggagawang bukid na ang tanging mithi ay mag-ari ng lupang sinasaka.

May mga batas umanong nararapat isaayos upang higit na pakinabangan ng mga magsasaka. Aalamin din niya ang mga ginagawag maneobra ng ilang maylupa upang matakasan ang kanilang obligasyon sa pamahalaan at mamamayan.

Niliwanag din ni G. Mariano na kailangang magkaroon ng kapani-paniwalang database ng mga nakinabang sa repormang agraryo sa paglipas ng mga taon. Tanging ang mga benepisyaryo lamang mula 2010 hanggang 2016 ang saklaw ng database.

Foreign Secretary Almendras, umalis patungong Kunming

UMALIS kanina sa Maynila si Foreign Affairs Secretary Rene Almendras patungong Kunming, China upang dumalo sa Special ASEAN-China Foreign Ministers' Meeting na magmumula rin ngayon at magtatapos bukas.

Ang espesyal na pulong ay napagkasunduan ng ASEAN Foreign Ministers' Retreat noong Marso sa Vientiene at ipinanukala sa China upang pag-usapan ang mga isyu ng mga bansang kasapi sa ASEAN sa South China Sea at upang mapalakas ang high-level dialogue na may kinalaman sa mga nagaganap sa kanya-kanyang bansa. Kabilang din sa paksa ang ika-25 Anibersaryo ng ASEAN-China Dialogue Relations.

Umaasang masiglang makalalahok ang Pilipinas sa mga pag-uusap. Inuulit ng Pilipinas ang pangako nitong makikipagtulungan ayon sa proseso ng ASEAN – China upang maipatupad ang Declaration on the Code of Conduct in the South China Sea.

Walang Filipino national na nabalitang sugatan sa Orlando shooting

WALANG nabalitang Filipino national na nasawi o nasugatan sa pamamaril na naganap sa isang gay bar sa Orlando, Florida.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary at Spokesman Charles Jose, walang nabalitang mga Filipinong nasawi o nasugatan sa madugong insidente sa Orlando kahapon, oras sa Pilipinas.

Nakikipagbalitaan ang Embahada ng Pilipinas sa Washington, D. C. sa mga autoridad sa Orlando at maging sa mga samahan ng mga Filipino sa Florida upang mangalap ng impormasyon.

Magugunitang isang lalaki ang tumawag sa 911 at nagsabing naniniwala siya sa Islamic State na naimbestigahan na sa posibleng pakikipagsabwatan sa mga terorista ang sumalakay sa isang gay nightclub Linggo ng gabi sa Maynila at nagsagawa ng pinakamadugong pamamamaril sa kasaysayan ng Estados Unidos na ikinasawi ng 50 at ikinasugat ng 53 iba pa.

Kinilala ng mga autoridad ang may kagagawan sa pangalang Omar Mateen, 29 na taong gulang na isinilang sa New York. Nauwi ang masayang sayawan sa madugong pangyayari. Bumaha ng dugo sa disco matapos ang walang humpay na pamamaril.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>