|
||||||||
|
||
Pangulong Duterte, abala bukas sa PNP at AFP
MAGIGING abala si Pangulong Rodrigo Roa Duterte bukas ng umaga hanggang hapon sa pagdalo sa assumption of command ng kanyang mga piniling mauupo bilang pinuno ng pulisya at sandatahang lakas ng bansa.
Gagawin ang okasyon sa Philippine National Police sa Multi-Purpose Center mula sa ganap na ika-siyam ng umaga. Sasalubungin siya ni Secretary Ismael Sueno at Police Director General Ronald M. Dela Rosa.
Pangangasiwaan ni Pangulong Duterte ang paglalagay ng bagong ranggo sa balikat ni incoming Director General Dela Rosa. Magsasalita si General Dela Rosa hinggil sa kanyang mga binabalak gawin. Ipakikilala naman ni Secretary Sueno ang Pangulo ng Republika na magbibigay din ng kanyang mensahe sa mga pinuno ng Philippine National Police.
Pagsapit ng ala-una ng hapon, darating naman si Pangulong Duterte sa AFP General Headquarters Grandstand matapos salubungin nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Lt. General Glorioso V. Miranda na acting Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.
Nakatakdang magsalita si outgoing AFP Chief of Staff Lt. General Miranda at incoming Chief of Staff Lt. General Ricardo Visaya. Ipakikilala naman ni Secretary Lorenzana si Pangulong Duterte na magsasalita rin sa harap ng mga opisyal at tauhan ng Armed Forces of the Philippines.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |