|
||||||||
|
||
20160629 Melo Acuna
|
WALANG mga Filipino na nasawi o nasugatan sa mga pagsabog na naganap sa Ataturk International Airport sa Istanbul kanina.
Ayon kay Assistant Secretary Charles Jose na siyang tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, walang naiulat na nasawi o nasugatan ang embahada ng Pilipinas sa Ankara.
Sa kanyang text message sa mga mamamahayag, sinabi ni G. Jose na magkakaroon ng update sa mga magaganap sa bansang nasa pagitan ng Europa at Asia.
Minamatyagan ng Embahada ng Pilipinas ang nagaganap sa Turkey.
Sa media reports sa Maynila, sinabi ni Philippine Ambassador to Turkey Rowena Sanchez na ligtas ang mga kababayan sa tatlong magkakasunod na pambobomba na ikinasawi ng 41 katao.
Ayon sa pinakahuling impormasyon, sinabi ni Prime Minister Binali Yildirim, ang pagpapasabog ay kagagawan ng Islamic State.
Ligtas ang mga Filipino sa Turkey ayon sa impormasyon mula sa community leaders at pagtatanong ng mga tauhan ng embahada.
Mayroong 3,500 mga Filipino sa Turkey na kinabibilangan ng 2,000 sa Istanbul. Karamihan ng mga Filipino sa Turkey ay mga kasambahay. May mangilan-ngilang narses, guro, mang-aawit at ilang mga mag-aaral.
Nababahalaha nga lamang si Ambassador Sanchez sa posibilidad na mayroong mga turistang Filipino na naapektuhan ng insidente. Noong nakalipas na taon, umabot sa 60,000 mga Filipino ang dumalaw sa Turkey.
Niliwanag ni Ambassador Sanchez na nakikipag-ugnayan na sila sa mga pagamutan at wala namang nabalitang nasawi o nasugatang mga Filipino.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |