|
||||||||
|
||
Hindi mapipigil ng Solicitor General ang Senado
SINABI ni Senate President Franklin M. Drilon na hindi mapipigil ni Solicitor General Jose Calida ang Senado sa pagsisiyasat sa diumano'y pagmamalabis ng pamahalaan sa kampanya laban sa illegal drugs.
Ani Senador Drilon, samantalang pinupuri at sinusuportahan nila ang kampanya laban sa illegal drugs ng Philippine National Police, hindi nila mapababayaan ang mga alegasyon ng extra-judicial killings na tumaas sa nakalipas na ilang buwan.
Obligasyon ng Senado ayon sa Saligang Batas na magsiyasat sa illegal, unjust, improper or inefficient acts na ginagawa ng sinumang opisyal upang mapalakas ang mga batas at matulungan ang pangulo sa kanyang kampanya laban sa illegal drugs.
Saligang Batas ang kanilang sandigan sa pagsisiyasat upang makatulong sa pagbuo ng mga batas, dagdag pa ng senate president. Hindi umano sila magdadalawang-isip na puwersahing dumalo ang mga saksi at resource persons kung kakailanganin sa Senado upang magawa nila ang kanilang obligasyon.
Ang Korte Suprema, sa usapin ng Senado laban sa Executive Secretary, ang kumatig sa poder ng Senado laban sa Executive Order 464 noong 2006 na nagsabing ang pagdalo ng mga saksi ay kailangan sa mga pagdinig upang makabuo ng batas.
Hindi umano kinilala ni G. Calida ang kalayaan ng Senado at ang demokrasya sa Pilipinas. Nakababahala umano ang pahayag ni G. Calida na kinakikitaan ng kayabangan at 'di inaasahan sa isang solicitor general.
Wala umanong karapatan ang solicitor general sa anumang legislative inquiry ng Senado, dagdag pa ni G. Drilon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |