|
||||||||
|
||
160705melo.mp3
|
Pangulong Duterte, kinilala ang mga pulis na sangkot sa droga
PINANGALANAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang limang police generals na diumano'y nagkakanlong ng mga sindikatong sangkot sa illegal drugs.
Sa kanyang talumpati sa ika-69 na anibersaryo ng Philippine Air Force, sinabi ni G. Duterte na ang isa sa police generals ay si dating Deputy Director General Marcelo Garbo, Jr.
Sinabi niyang si Garbo ang nagkakanlong ng mga sindikato. Ang apat na iba pang police generals ay sina Vicente Loot, Bernardo Diaz, Edgardo Tinio at Joel Pagdilao.
Nakapagretiro na sina General Garbo at Loot. Si Diaz ay director ng Police Regional Office No. 7, si Tinio at director ng Quezon City Police District at si Pagdilao ang director ng National Capital Region Police Office.
Ani Pangulong Duterte, pinasibak na niya ang mga opisyal at inatasang magtungo sa tanggapan ni Director General Ronald dela Rosa. Nais umano niyang makausap ang mga ito at umaasa rin siyang gagawin ng National Police Commission ang kanilang obligasyon, magsiyasat at huwag magbigay ng zarzuela.
Hindi umano niya ugaling manghiya ng tao sapagkat politiko siya. Ang mga pulis na sangkot sa illegal drugs ay nakagawa ng pagtataksil sa bayan lalo pa't ang kanilang ipinag-aral ay mula sa pondo ng pamahalaan.
Binigayan na umano sila ng karangalang makasama sa PNPA o PMA at pinagtaksilan nila ang bayan. Si Garbo ay mula sa PMA Class '81, si Loot ay sa Class '82, si Tinio ay mula sa Class '85 at magkaklase sina Pagdilao at Diaz sa Class '84.
Ani Pangulong Duterte, buong akala ng bayan ay ipinagtatanggol ng mga pulis ang mga mamamayan. Napakasakit umanong pakinggan na ginastusan ng taongbayan, pinag-aral at sinagot ang lahat ng gastos at gagawa ng labag sa batas.
Idinagdag niyang ang gawaing ito ay pagtataksil sa bayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |