|
||||||||
|
||
US SECRETARY OF STATE KERRY, DUMALAW SA PILIPINAS. Hinahon at diplomasya, kailangan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon. Ito ang sinabi ni Secretary Kerry sa kanyang paghayag sa mga tagapagbalita sa Maynila kanina matapos ang kanyang pakikipag-usap kay Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. (PE II Photo)
HUMARAP sina Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. at US Secretary of State John Kerry sa mga mamamahayag na Filipino at banyaga kaninang umaga.
Sinabi ni Secretary Yasay na nakapag-usap sila ni G. Kerry sa iba't ibang paksa na buod ng bilateral relations ng dalawang bansa. Tiniyak umano ni Secretary Yasay kay G. Kerry na tutulong at ipagpapatuloy ang pagbabalak upang magkaroon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Makapaghahanda ang Pilipinas para sa humanitarian assistance at disaster relief operations at makatutulong din sa modernization efforts ng Armed Forces of the Philippines.
Pinag-usapan din ang mga peligrong dulot ng terorismo. Kinikilala ng Pilipinas ang liderato ng America upang labanan ang violent extremisim at ipinarating din ang layunin ng Pilipinas na makasama ng America tulad noong ng nakalipas na panahon, upang mapag-ibayo ang paglaban sa terorismo.
Sa isyu ng South China Sea, nagpasalamat si Secretary Yasay sa tulong ng America sa arbitration decision at sa panawagan sa lahat na maging mahinahon. Ang America ang nag-iisang treaty ally at magpapatuloy ang mga konsultasyon at makikipag-usap upang isulong ang pambansang interes at pagkilala sa desisyon ng arbitral tribunal.
Sa panig ni Secretary Kerry, magkasama umano sila ni Secretary Yasay sa Vientiane para sa ASEAN Regional Forum at East Asia Summit. Napag-usapan umano nila ang mahahalagang isyu na nagmula sa ministerial meetings tulad ng kalagayan ng South China Sea.
Ipinaliwanag ni Secretary Kerry na tulad ng kanyang mga naunang pahayag, na ang Estados Unidos ay hindi kabilang sa claimants at walang anumang posisyon ang America sa paghahabol ng iba't ibang bansa sa mga pulo at batuhan sa South China Sea subalit maninindigan ang America sa pagtatanggol sa mga karapatan, naaayon sa batas na paggamit ng himpapawid ayon sa international law. Kinikilala ng America ang "rule of law."
Nanawagan din siya sa iba't ibang bansang naghahabol ng mga pulo at bahagi ng karagatan na maging mahinahon at magtulungan upang maibsan ang tensyon. Naging maganda ang pagkilos ng Pilipinas, ayon kay G. Kerry.
Sa lahat umano ng kanyang pakikipagpulong sa Laos, na kinabilangan ni Chinese Foreign Minister Wang Yi, na talikdan at limutin na ang mga mainitan at maaanghang na kataga at gamitin ang hinahon at rason ayon sa international law.
Mahalaga ang diplomatic process sa pagitan at sa mga claimants ng walang paggamit ng dahas o pananakot, dagdag pa ni Secretary Kerry.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |