|
||||||||
|
||
Kampanya laban sa droga, kapuripuri subalit nararapat kilalanin ang batas
IKINABAHALA ng Integrated Bar of the Philippines ang serye ng mga pagpatay sa sinasabing drug pushers sa iba't ibang bahagi ng bansa. Sa isang pahayag na nilagdaan nina Atty. Rosario T. Setias-Reyes, pangulo at chairman of the board ng pambansang samahan ng mga tagapagtanggol at iba't ibang opisyal sa walong iba't ibang rehiyon, sinabi nilang bagama't kapuri-puri ang ginagawang pagkilos ng mga alagad ng batas, nangangamba silang nawawala na ang paggalang sa batas.
Ayon sa kanilang nilagdaang pahayag, ang Pilipinas ay isang bansa ng mga batas at hindi ng mga tao kaya't hindi nararapat mawala ang pinakasandigan ng demokrasya, at ang alituntunin ng batas ang nararapat manaig.
Sa mga pagkakataong ito, dumarating ang tukso na gumamit ng labag sa batas na paraan at nalilimutang may mga alituntuning nararapat sundin.
Ikinababahala nila ang bilang ng mga nasasawi samantalang nanlalaban sa mga autoridad. Nararapat lamang bigyang pansin ang mga pangyayaring ito
Nananawagan ang Integrated Bar of the Philippines sa Philippine National Police at iba pang alagad ng batas at maging sa Office of the Ombdusman na bigyang pansin ang pagkakaroon ng kapani-paniwalang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga lumabag sa batas.
Hindi kailanman nararapat malimutan na kahit pa ang biktima ay isang drug offendser, ang wala sa batas na pagpaslang ay 'di makatarungan. Kahit pa may karapatan ang mga alagad ng batas na gumamit ng puwersa upang ipagsanggalang ang kanilang sarili at ang mga tinaguriang innocent bystandards, ang pagabuso sa karapatang ito ay isa ring krimen.
Ipinagunita ng mga opisyal ng Intergrated Bar of the Philippines na ang Bill of Rights ang nangunguna kaysa karapatan ng Estado na maglitis.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |