|
||||||||
|
||
Ang drug addiction ay karamdaman; mga lulong sa droga, may pagasa pa
Photo No. 1 - ANG DRUG ADDICTION AY KARAMDAMAN. Ito ang sinabi ni Dr.Fareda Fatima A. Flores, pangulo ng Philippine Psychiatric Association sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina. Sapagkat ito's isang karamdaman, magagamot pa at malaki ang pagkakataong gumaling ng mga nalulong sa droga, dagdag pa ni Dr. Flores. (Melo M. Acuna)
Photo No. 2 - SINTOMAS NG DRUG MENACE, NAPUNA NA NOONG 2004. Ayon kay Dr. Benita Sta. Ana-Ponio, isang dalubhasa sa psychiatry, noon pa mang mga 2004 ay nakita nila ang lumalaking bilang ng mga nalululong sa droga. Binanggit din niya na sa bawat 13 lalaking lulong sa bawal na gamot, mayroong isang babae. Ang average age ng drug dependent ay 30 at na-expose na sa illegal drugs sa nakalipas na anim na taon. (Melo M. Acuna)
Photo No. 3 - TUTUGON ANG PAMAHALAAN SA PROBLEMA NG DROGA. Niliwanag ni Dr. Vivian Diez ng Kagawaran ng Kalusugan na handa ang pamahalaang tumugon sa rehabilitation requirements ng daan-daang libong drug dependents. Ayon sa manggagamot, isa itong " pandemic." (Melo M. Acuna)
Photo No. 4 - DAGDAG NA REHAB CENTERS KAILANGAN. Naniniwala si Kabayan Party List Congressman Ron R. Salo na kailangang magtayo ng mga rehabilitation center sa bawat distrito sa bansa. Sa ganitong paraan, madadaluhan ang pangangailangan ng drug dependents, dagdag pa ng mambabatas. Ang isang problema ay kulang sa mga tauhan tulad ng mga psychiatrist at manggagamot na may ibayong pagsasanay. (Melo M. Acuna)
MAY pagasa pa ang mga nalulong sa droga at makababalik pa sa lipunang Filipino. Ito ang pahayag nina Dr. Fareda Fatima Flores, pangulo ng Philippine Psychiatric Association at Dr. Benita Sta. Ana-Ponio, isa sa mga kasama ng World Health Organization at Kagawaran ng Kalusugan sa pagbuo ng mga palatuntunan bilang tugon sa napakalaking problemang dulot ng droga sa bansa.
Sa tamang paggamot at takdang panahon at pakikiisa ng pamilya at kapaligiran ay madaling gagaling ang isang nalulong sa droga.
Ayon kay Dr. Flores, noon pa mang 2004 ay nakikita na nila ang sintomas na lumalago ang bilang ng mga nasasadlak sa bawal na gamot. Kung noo'y nabalitang may 1.8 milyong mga Filipino ang nalulong na sa droga, lumago na ito at tinatayang mayroong tatlong milyong mga mamamayang gumagamit ng droga.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi ni Chief Inspector Bryan Gregorio ng Public Information Office ng Philippine National Police, may 543,416 na ang mga sumuko sa mga autoridad mula noong unang araw ng Hulyo hanggang kahapon. Kinabibilangan ito ng may 509,889 na drug users at 33,527 drug pushers.
Unang binanggit ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanyang talumpati noong nakalipas na Linggo na bahala na ang mga non-government organization at maging ang United Nations sa pagpapagamot sa mga sumukong mga gumagamit ng illegal na droga.
Nanguna ang Region VII o Cebu sa pinakamaraming drug user na sumuko sa pagkakaroon ng 60,760. Pinakamarami naman ang drug pusher na sumuko sa CALABARZON o Region IV-A na nagkaroon ng 4,956 katao. Nakadalaw na rin ang mga pulis sa may 265,610 tahanan sa buong bansa. Lumabas na nangungunang ginagamit ng mga drug addict ang shabu samantalang pangalawa naman ang marijuana, pangatlo ang Ecstasy at pangapat naman ang Valium.
Nagkaroon na rin ng 259 na mga sagupaan sa pagitan ng mga alagad ng batas at mga kasapi ng mga sindikato. Pinakamarami ang mga sagupaang naganap sa Central Luzon na kinatagpuan ng 83 at pumangalawa lamang ang National Capital Region na mayroong 53 sagupaan.
May 509 katao na ang nasasawi sa mga sagupaan at pinakamaraming napatay ay sa Metro Manila na nagkaroon ng 147 katao. Pumangalawa ang Central Luzon na nagkaroon ng 115. Sa 499 na mga sibilyang napaslang, may siyam na kasapi ng pulisya at isang banyaga.
Nabatid rin na mayroong 495 mga psychiatrists sa buong bansa. Mayroon ding 44 na treatment o rehabilitation centers sa Pilipinas. Ipinaliwanag ni Dr. Flores na hindi naman maaaring pagsama-samahin na lamang ang mga pasyente sa isang rehabilitation center sapagkat lubhang napakarami ng kailangang gamutin.
Naniniwala rin si Dr. Flores at Dr. Ponio na ang halos 600,000 mga sumuko ay maituturing na tip of the iceberg sapagkat dumami na ang bilang ng drug dependents.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Vivian Diez ng Office for Special Concerns ng Department of Health na may mga programang kailangang ipatupad ang pamahalaan sa pagbabalik sa mga drug dependent sa kanilang normal na pamumuhay.
Maituturing na isang outbreak ang pagdagsa ng bilang ng mga drug user at pusher sa nakalipas na ilang linggo.
Mayroong pagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan, dagdag naman ni Dr. Jasmin Peralta, isa sa mga opisyal ng Department of Health na lumahok din sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina.
Sa pagsusuri ng iba't ibang ahensya, nabatid na ang karaniwang edad ng mga drug dependent ay 30 taong gulang. Sa bawat 13 kalalakihang drug addict, may isang babae. Higit sa kalahati ng mga drug user ay binata o dalaga at may 42% ng mga drug user ay mga walang trabaho. Ang average na panahong pagkakalulong sa droga ay anim na taon.
Sa populasyong higit sa 100 milyong Filipino, mayroon lamang 214 na accredited physicians na makadadalo sa mga kaso ng drug addicts.
Kailangang maipasa ang isang panukalang batas na kumikilala sa kahalagahan ng Mental Health law sa bansa. Ayon kay Kabayan Party List Congressman Ron Salo, mahalaga ang kanyang panukala sapagkat naglalayong magkaroon ng rehabilitation centers sa bawat distrito sa bansa.
Nangangamba nga lamang sina Dr. Ponio at Flores na kulang na nga ang pasilidad at sapat na mga tauhan ang mga rehabilitation centers sa iba't ibang bahagi ng bansa, kaya't higit na mahirap mapatakbo ng mga bagong pasilidad . Iminungkahi nila na patibayin na ayon sa pangangailangan ng madla.
Malaki rin ang posibilidad na dumaan sa out-patient facilities at sa ibang mga pasyente.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |