|
||||||||
|
||
Mga biktima ng Martial Law, umaasang kakatigan ng Korte Suprema
NANINIWALA ang mga biktima ng karahasan noong panahon ni Pangulong Ferdinand Edralin Marcos na kakatigan sila ng Korte Suprema sa kanilang kahilingang pigilan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ituloy ang libing sa labi ng yumaong diktador sa Libingan ng mga Bayani sa darating na ika-18 ng Setyembre.
Sa isang panayam, sinabi ni Prof. Loretta Ann Pargas Rosales, dating pinuno ng Commission on Human Rights, na malakas ang kanilang mga argumento na ang sandigan ay ang Saligang Batas ng taong 1987.
Napapaloob sa Saligang Batas ang paniniwala ng madla matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986.
Nilalaman ng kanilang petisyon ang mga probisyon ng Saligang Batas na dahilan ng pagkakabuo ng Commission on Human Rights na naitatag bago pa man nagkaroon ng kalakaran ang United Nations noong 1993 sa pamamagitan ng Vienna Declaration, na nagtatadhana sa lahat ng mga kasaping bansa na magtatag ng mga tanggapang titiyak sa pagkilala sa karapatang pangtao.
Isang halimbawa pa rin ang pagbuo ng Presidential Commission on Good Government na binuo ayon sa Saligang Batas na maghahabol sa mga ninakaw na yaman ng mga Marcos.
Itinatanong ni Prof. Rosales na wala nang iba pang mga argumentong kailangan maliban sa Saligang Batas mismo na ipinasa ng higit sa 80% ng mga mamamayan na nagsabing hindi na kailanman kakailanganin ng bansa ang Martial Law.
May panahon pa para sa kanilang petisyon matapos itakda ng Korte Suprema ang oral arguments sa darating na Miyerkoles, ika-24 ng Agosto. Hinihiling nilang magkaroon ng Temporary Restraining Order.
Si Atty. Barry Gutierrez ang tatayo sa ngalan ng kanilang koalisyon na naniniwalang hindi karapat-dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |