|
||||||||
|
||
G-20 sa Tsina, matutuon sa ekonomiya at paglaban sa extremism
KALAKAL, PAKSA SA G-20. Naniniwala naman si Prof. Richard Heydarian ng De La Salle University na kalakal ang pinakamahalagang paksa sa G-20 na idaraos sa Tsina sa Sabado't Linggo. Mahalaga rin ang papel ng Tsina sa larangan ng ekonomiya. Nagkulang umano si Pangulong Barack Obama sa kanyang mga biyayang inaasahan sa rehiyon, dagdag pa ni Prof. Heydarian. (File Photo/Melo M. Acuna)
NANINIWALA si Prof. Richard Heydarian ng De La Salle University na matutuon ang G-20 Summit Meeting sa Tsina mula sa Linggo hanggang Lunes, ika-apat hanggang ika-lima ng Setyembre sa ekonomiya at pagpapalawak ng mga trade agreement sa pagitan ng mga bansa.
Maisusulong din ng Tsina ang kanilang programa sa Maritime at 21st Century Silk Road at ang mga isyung nakaaapekto sa buong daigdig tulad ng climate change.
Sa isang panayam, sinabi ni Prof. Heydarian na tiyak na magiging paksa ang free-trade agreements, terorismo at peligrong nagmumula sa North Korea. Magugunitang may mga nagsasabing nagpaparamdam na ang ISIS sa Asia, sa Mindanao at maging sa mga bansa sa Timog-Silangang Asia.
Sa ganitong pagkakataon magkakaroon ng intelligence sharing sa mga bansang kabilang sa G-20 at posibleng joint military operations laban sa ISIS.
Hindi kailanman mababale-wala ang kahalagahan ng Tsina sa pandaigdigang ekonomiya at maging sa papel nito sa pagsusulong ng mga kasunduan. Nagkaroon na ng Asian Infrastructure Investment Bank na tila mas matagumpay sa Pan-Pacific Partnership na itinataguyod ng Estados Unidos.
Sa tanong kung magkakaroon ba ng epekto ang pag-alis ng Great Britain sa European Union, sinabi ni Prof. Heydarian na tanging sa loob lamang ng European Union at Great Britain madarama ang pagalis ng isang mahalagang bansa.
Mas makikinabang ang Tsina sa pag-alis ng Great Britatin sa European Union sapagkat patuloy na madaragdagan ang kalakal sa pagitan ng dalawang mauunlad na bansa.
Sapagkat ito na ang huling paglalakbay ni Pangulong Barack Obama sa Asia bilang pangulo, noong mga nakalipas na panahon ay nagpakilala siyang kaun-unahang Asia-Pacific president at mapapagitna sa kanyang mga programa ang mga bansang nasa Asia Pacific. Subalit nagkulang siya sa kanyang deliverables. Hindi na makalulusot pa ang PPP.
Nadama ang papel ng America sa pakikiisa sa mga bansang pinasok ng ISIS tulad ng Syria subalit hindi naman nadama sa Asia. Malaki rin ang karapatan ng Indonesia na makasama sa G-20 sa dami ng mga mamamayan at sa sigla ng kanilang ekonomiya.
Sa tanong kung may posibilidad na makasama ang Pilipinas sa exclusive organization na ito, ani Prof. Heydarian, posibleng maganap ito sa mga susunod na mga taon kung patuloy na uunlad ang ekonomiya ng bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |