|
||||||||
|
||
20160905 Melo Acuna
|
KINONDENA ng United Nations Security Council ang naganap na pagsabog noong Biyernes ng gabi na ikinasawi ng may 15 katao at ikinasugat ng may 60 iba pa. Sa isang pahayag, sinabi ng konseho na nakikiisa sila sa Pilipinas sa pagnanais na madakip at malitis ang may kagagawan ng krimen.
Sa isang pahayag na inilabas kanina, sinabi ng konseho na nagpahayag si Secretary-General Ban Ki-moon na kailangang panagutin ang may kagagawan ng krimen kasabay ng pakikiramay sa mga naulila ng mga biktima at nananalanging gumaling kaagad ang mga nasugatan. Nakikiisa si G. Ban sa mga Filipino sa panahong ito, ayon pa sa pahayag.
Kasabay ito ng liham ni Pangulong Xi Jinping kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ngalan ng Pamahalaan at mga mamamayan ng Tsina ipinarating niya ang pakikiramay sa mga naulila at pakikiisa sa mga nasugatan. Lumiham si Pangulong Xi kay Pangulong Duterte kahapon.
Tiniyak ni Pangulong Xi na handang makiisa and Tsina sa international community na kinabibilangan ng Pilipinas upang labanan ang terorismo at panatiliin ang kapayapaan at katatagan sa daigdig.
Ani Pangulong Xi, kontra ang Tsina sa terorismo sa lahat ng uri nito at kinokondena ang paggamit sa mga sibilyan sa mga malalagim na pagkakataon.
Nagbabala rin ang Estados Unidos, United Kingdom at Australia sa kanilang mga mamamayan na maging maingat sa paglalakbay sa Mindanao kabilang na sa Davao City.
Kasabay ito ng pahayag ng US Embassy sa Maynila na suspendido muna ang lahat ng paglalakbay sa Mindanao sapagkat mayroong "direct threat" sa mga mamamayan at interes ng America sa Pilipinas.
Naunang nagparating ng kanilang pakikiramay ang European Union, Japan at Francia sa mga biktima ng magudong pananalakay sa Davao City.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |