|
||||||||
|
||
DEPARTMENT OF EDUCATION, PINAKAMALAKI ANG BUDGET SA MGA KAGAWARAN. Ito ang sinabi ni Congresswoman Evelina Guevarra Escudero (kaliwa), chairman ng Committee on Basic Education na higit sa P 500 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para sa basic education. Maraming nararapat daluhang problema, sabi pa ni Congresswoman Escudero. Na sa gawing kanan si Prof. Nonita Martel ng Philippine Normal University. (Melo M. Acuna)
MAHALAGA ANG BASIC EDUCATION. Ayon kay 1-Ang Edukasyon Party List Congressman Salvador Belaro, ang basic education ang pinagmumulan ng mga may kakayahang mamamayan. Maglalaan din siya ng incentives sa mga gurong maitatalaga sa malalayong pook, tulad rin ni Congresswoman Escudero. (Melo M. Acuna)
NABABAWASAN ANG SIGASIG NG MAG-AARAL DAHIL SA INTERNET AT SOCIAL MEDIA. Ito naman ang pananaw ni Prof. Bayani Santos, Jr. sapagkat bibihira na ang nananaliksik sa mga silid-aklatan sa pagkakaroon ng makabagong teknolohiya. Kailangan ding bigyang halaga ang kultura ng bansa, dagdag pa ni Prof. Santos. (Melo M. Acuna)
MARAMING HAMON SA SEKTOR NG EDUKASYON. Bukod sa basic subjects, kailangang bigyang halaga ang pagkilala ng mag-aaral sa kanyang sarili. Ito naman ang paliwanag ni G. Renato Benigno "Tato" Malay na isang mang-aawit, college professor at nagtatag ng I am Kamalayan Movement. Mahalaga ring maisama ang mga karanasan sa labas ng paaralan, dagdag pa ni G. Malay. (Melo M. Acuna)
KUNG makapapasa sa Mababang Kapulungan at sa Senado, magkakaroon ng dagdag na allowance ang mga gurong itatalaga sa mga malalayong pook lalo pa't mangangailangang maglipat ng kanilang tahanan.
Ito ang sinabi ni Congresswoman Evelina Guevarra Escudero ng Sorsogon sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina. Bibigyan ng kaukulang allowance ang mga guro upang higit na makapaglingkod sa mga kabataan sa larangan ng basic education.
Idinagdag naman ni 1-Ang Edukasyon Party List Congressman Salvador Belaro na may kaakibat din siyang panukalang batas na naglalayong kilalanin ang kontribusyon ng mga guro sa malalayong pook.
Naniniwala din si Congresswoman Escudero na chairperson ng Committee on Basic Education na mahalaga ang zero to six years old sapagkat ito ang sinasabing formative years. Ang pinakamagagaling na mga guro ang nararapat ilagay sa nursery, kindergarten at sa mababang paaralan hanggang sa anim na taong gulang.
Karibal ng layuning ito ang social media sapagkat maraming mga bata ang gumagamit na ng gadgets tulad halimbawa ng smart phones at iPads. Para kay Professor Nonita Martel ng Philippine Normal University, marapat lamang mabantayan at magiyahan ng mga magulang at iba pang mga kamag-anak ang mga batang nalilibang sa social media.
Idinagdag naman ni G. Renato Benigno "Tato" Malay na mahalaga rin ang pagsusuri sa sarili sapagkat kung mayroon mang kakulangan sa pormal na edukasyon, kailangang magbigyan ng pansin ang mga pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Nalulungkot naman si Prof. Bayani Santos, Jr. na nawawala na ang sigasig ng mga kabataan sa pag-aaral dahilan sa pagkakaroon ng kailangang impormasyon sa pamamagitan ng social media. Nawawala na umano ang sigasig sa pananaliksik sa mga silid-aklatan.
Malaking tulong din ang pagbibigay ng prayoridad ng Mababang Kapulungan sa mungkahi ng Duterte Administration na dagdagan ang salapi para sa Department of Education. Ayon kay Congresswoman Escudero, mahalaga ang salaping ito upang makakuha ng highly-qualified teachers, magkaroon ng mga aklat at mga silid-aralan.
Ipinaliwanag niyang mayroong higit sa P 500 bilyon para sa basic education sa panukalang budget para sa 2017. Ito umano ang pinakamataas na budget sa lahat ng mga kagawaran ng pamahalaan. Malaking bahagi ng budget ang para sa pasahod ng may 700,000 mga guro sa buong bansa. May backlog na tatlong taon sa mga gusaling nararapat maitayo ayon kay Secretary Leonor Briones.
May kabutihang idinulot din ang Conditional Cash Transfer bagaman mas makabubuti na sa paaralan na idaan ang biyaya sapagkat mayroon ding mga magulang na nababalitang nagpapabaya.
Mas maganda na ang pasahod sa mga guro sa pamahalaan kung ihahambing sa mga paaralang pribado. Gusto man ng pamahalaang bigyan ng dagdag na sahod ang mga guro subalit magkakaroon naman ito ng epekto sa inflation.
Sa Philippine Normal University, tanging mga nagbabalak na maging guro ang kanilang tinatanggap. May 80% sa mga mag-aaral ang nagnanais maglingkod sa education sector. May pagsasanay, workshops at training at makatitiyak na handang-handa ang mga magtatapos sa papasuking propesyon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |