|
||||||||
|
||
Pangulong Duterte at Obama, magkikita sa hapunan
MATAPOS ang serye ng mga pagpupulong sa ika-28 at ika-29 na ASEAN Summit na kinatampukan ng mga pinuno ng iba't ibang bansa sa timog silangang Asia at mga nangungunang bansa sa daigdig, magkikita rin sa wakas si Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Obama sa isang hapunan.
Ayon sa pahayag ng Presidential News Desk, umaasa ang mga mamamahayag hindi lamang mula sa Pilipinas sa hapunan na inaasahang magkakaroon ng magagandang pahayag matapos hindi matuloy ang bilateral meeting ng dalawang pinuno.
Magkatabi sina G. Duterte at Obama sa hapunan kaya't pagtutuunan ng pansin ng mga mamamahayag ang kanilang pagkikita. Nasa kabilang upuan naman si UN Secretary General Ban Ki-moon.
Ito ang unang paglalakbay sa labas ng bansa ni Pangulong Duterte mula noong maluklok sa panguluhan noong huling araw ng Hunyo.
Ang ASEAN Summit na magtatapos sa darating na Huwebes ang magsasama-sama ng mga bansa sa rehiyon na kinabibilangan ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Thailand, Singapore, Vietnam, Lao People's Democratic Republic at ng Pilipinas.
Ililipat ni Prime Minister Thounglough Sisoulith ang pagiging pinuno ng ASEAN kay Pangulong Duterte na magsisimula sa unang araw ng Enero, 2017. Kasabay ito ang ika-50 anibersaryo ng samahan. Bukod sa mga pagpupulong, ang bansa ang magiging punong-abala sa iba't ibang pag-uusap.
Kahapon, nakausap na ni G. Duterte sina Singapore Prime Minister Lee Hein Loong, Japanese Prime Minister Shinzo Abe at Vietnamese Prime Minister Nguyen Tan Dung.
Hiwalay na makakausap ng sampung bansang kabilang sa ASEAN ang mga pinuno ng Tsina, Japones, Korea, Australia at United Nations.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |